MAKALIPAS ang apat na buwan, muling magbabalik ang lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Hunyo 2.
At kahit na naibaba na sa GCQ ang community quarantine sa Metro Manila ay hindi pa rin maaring magkaroon ng face to face forum bilang pag-iingat na makaiwas sa COVID-19, kung kaya naman sa pagkakataong ito ay isasagawa ang forum sa pamamagitan ng Zoom conferencing ganap na alas 10 ng umaga.
Magkakaroon ng dalawang bahagi ang nasabing forum kung saan sa unang bahagi ay si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang unang sasalang kasunod si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa ikalawang bahagi.
Tatalakayin sa kauna-unahang online PSA forum ang kasalukuyang sitwasyon at ang magiging kinabukasan ng Philippine sports sa gitna ng kasalukuyang krisis sa buong mundo.
Sinabi ni PSA president Tito S. Talao ng Manila Bulletin na ang nasabing forum ay mapapanood pa rin ng live sa PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation, at kasabay na naka live audiostream din sa Radyo Pilipinas 2.
Ang nasabing sesyon ay ihahatid ng San Miguel Corp., Amelie Hotel, Braska Restaurant, the Philippine Amusement at Gaming Corporation (PAGCOR), gayundin ng Smart. ANNIE ABAD