TRENDING sa social media ang dump truck na ginamit ng Quezon City government para mamahagi ng relief goods sa Barangay Pasong Tamo. Pawang masasakit na salita na naman ang natikman ng Ina ng Lungsod na si Mayor Joy Belmonte.
Isa ang komedyanang si Kitkat Favia ang naglabas ng saloobin sa senaryong ito dahil doon nakatira ang magulang at mga kapatid.
“Yes?! Barangay PASONG TAMO QC??? ‘Di daw truck ng basura yan???? Halatang halata at sinabi ng mga tao dyan sa barangay Pasong Tamo na truck ng basura yan!!!! Kadiri naman kayo!!!! Dalawa ang positive ng covid sa barangay pasong tamo tapos kababuyan pa din alam nyo??!!! Kayo kaya kumain ng tae?! Tutal tae mga utak nyo.”
Nagtanong din ang talent manager/actor at vlogger na si Ogie Diaz tungkol dito.
“Wala na bang ibang sasakyan na pwedeng maghatid ng relief goods sa isang Barangay sa QC? Trak talaga ng basura? Unless puro basura ang laman ng bag, naiintindihan ko.
Juice kong pineapple naman. Kahit sabihin mo pang nilinis naman yan, eh ano pa din ba ang mai-imagine ng tatanggap niyan?
“Para kang nagbigay ng sinigang sa kapitbahay na nakalagay sa orinola, tapos, sasabihin ng nagbigay, “Nilinis ko naman yan.”
“Feeling ko, hindi aware dito si Mayor Joy Belmonte. Feeling ko, barangay ang nakaisip nito. So ending: bugbog na naman sa bashing si Mayora niyan.
Haaaay, Asan na ba ang tsinelas ko?”
Posibleng hindi nga alam ito ni mayora dahil ang nakalagay na banner ay ang litrato ng barangay chairman ng Pasong Tamo na ang asawa ay konsehala rin.
In fairness, hindi naman sa trak ng basura nakalagay ang relief goods na ipinamahagi sa barangay namin kahapon dahil service van ng barangay ang gamit at nagpakilala silang mula sila sa opisina ni Mayor Joy.
-Reggee Bonoan