NAUNGUSAN ni Dennis Orcollo si The Kien Do ng Vietnam, 9-8, upang mapanatili ang gold medal sa men’s 10-ball singles nitong Lunes sa 30th Southeast Asian Games billiards competition sa Manila Hotel Tent City.

Dalawang beses naiwan ang beteranong cue artist bago humabol at makuha ang huling rack para makapag-ambag ng isa pang gold medal sa Philippine billiards team.

Ang gold ang ikatlo para sa mga Pinoy cue artists kasunod ng panalo nina Chezka Centeno at Rubilen Amit sa women’s 10-ball at 9-ball singles ayon sa pagkakasunod.

Dahil din sa panalo, nakabawi si Orcollo sa naging kabiguan nito sa men’s 9-ball matapos patalsikin ni Aloysius Yapp ng Singapore sa quarterfinals, 4-9.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Samantala, umusad sina Amit at Centeno sa finals ng women’s 9-ball doubles matapos dominahin ang Indonesian tandem nina Angeline Ticoalu at Silviana Lu,9-3 sa semifinals.

Bigo naman si Warren Kiamco kay Toh Lian Han ng Singapore, 4-9 sa men’s 9-ball quarterfinals gayundin si Jefrey Roda sa men’s snooker singles semifinals kay Malaysian Moh Keen Hoo,1-4.

-Marivic Awitan