MALAPIT nang magluluwas ang mga magsasaka mula sa Mindanao ng mga mangga at iba pang agricultural produce sa Malaysia at Indonesia makaraang magkasundo ang senior officials at ministers ng mga bansang ito kamakailan na paigtingin ang kalakalan simula sa unang bahagi ng susunod na taon.

Sinabi ni MinDA executive director Janet M. Lopoz sa Habi at Kape nitong Miyerkules na ang matataas na opisyal at ministers mula sa Malaysia at Indonesia ay nagkasundong mag-aangkat ng agricultural produce mula sa Mindanao, nagbubukas ng isa pang oportunidad para sa Mindanao mango growers sa Kuching, Sarawak sa Malaysia nitong nakaraang linggo.

Sinabi niya na ang Mindanao ay maaari ding magsuplay sa mga bansang ito ng manok at saging.

“For those agreements, we are seeing a lot of promise. Mindanao is very much into it,” aniya.

Sinabi niya na hinikayat nila ang hiwa-hiwalay na mango organizations sa Davao City na iorganisa ang kanilang mga sarili para mabilis na makapasok at magkaroon ng matibay na posisyon sa pagpasok nila sa mga bagong international markets sa Brunei Darussalam Indonesia Malaysia and Philippines East Asian Growth Area (BIMP-EAGA), isang 25-anyos na sub-regional economic cooperation initiative sa Southeast Asia na dinisenyo para isulong ang economic development sa nangungulelat na sub-economies.

Sinabi niya na isa sa mga isyu na kailangang ayusin ng pamahalaan ay sa Malaysian at Indonesian counterparts nito kabilang na ang phytosanitary standards, na humaharang sa mango exporters na pumasok sa bagong international market na nabigong maabot ang required minimum residual level.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang mango production sa bansa simula nitong Abril hanggang Hunyo 2019 ay nasa 556,000 metric tons, mas mataas ng 5.4 porsiyento kumpara sa 528,000 metric tons na naitala sa parehong panahon noong 2017.

Sinasabing ang pinakamataas na producer ng mangga sa panahon na ito ay ang Ilocos Region, na nag-aambag sa 22.6 porsiyento ng total national production. Sumusunod ang Zamboanga Peninsula at Central Visayas na mayroong 10.5 porsiyento at 9.7 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.

Sinabi niya na isinara ng Japan ang mga pintuan nito sa mango export mula sa Pilipinas dahil nabigo itong maabot ang minimum residual level.

“They need some help to penetrate the market because there is a problem on the standards kay hindi makapasa, level ng chemicals,” dagdag ni Lopoz.

Idinagdag ni Olie B. Dagala, director III for the Investment Promotions, International Relations and Area Office of MinDA, na ang mango farms ay nakakalat sa buong Zamboanga Region ngunit karamihan sa kanila ay kalat-kalat, kayat nahihirapan ang Mindanao mangoes na makapasa sa minimum residual leveling ng isang banyagang merkado.

“Kanya-kanya silang pasok sa kanilang market, at some point may mga group na tinatawag natin, they are already organized, they have their councils, and they have their own organizations but then kailangan nila ‘pag pumasok sa market, bagsak sa minimum residue na level,” aniya

Sinabi niya na ang gobyerno ay kasalukuyang nakikipag-usap sa Malaysian at Indonesian counterparts na magbalangkas ng set of guidelines sa phytosanitary protocols.

-Antonio L. Colina IV