MULING umukit ng kasaysayan ang University of the Philippines at nanatili pang nasa kontensiyon sa ginaganap na UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.
Sa pamamagitan ng kanilang naging panalo kontra De La Salle noong Linggo, nakopo ng Fighting Maroons ang second-seed at kaakibat nitong twice-to-beat advantage sa unang pagkakataon mula ng ilunsad ng liga ang Final Four era.
Bukod dito, napatalsik din nila ang Green Archers at hindi pinaabot ng semifinals sa ikalawang sunod na season.
At para sa lahat ng ito, isa sa dapat na pasalamatan ng UP ang liderato at backcourt brilliance ni Jun Manzo.
Sa kanilang huling dalawang panalo nagtala si Manzo ng average na 12.5 puntos, 5.0 assists, at 4.5 rebounds para pamunuan ang Fighting Maroons na naging susi upang sya ang hirangin na Chooks-to-Go Collegiate Press Corps UAAP Player of the Week.
Kontra La Salle, ang 5-foot-9 ay nagposte ng 11 puntos, 8 assists at 5 rebounds.
Bagamat malayo ang naitala nyang puntos sa kanyang best scoring output ang kanyang mga assists naman ang naging dahilan ng 71-68 na panalo ng Fighting Maroons kontra Green Archers.
Kabilang na rito ang bounce pass nya kay Kobe Paras na nagresulta sa kanilang go-ahead dunk sa huling minuto.
“Unang-una, nagpapasalamat kami sa Panginoong Diyos sa binigay niyang panalo,” ani Manzo.”Siguro, kaya kami nanalo ngayon is sa dulo, maganda yung execution namin as a team.”
Nauna rito, nagtala ang graduating guard ng 14 puntos, 4 rebounds at 2 assists sa kanilang 80-77 panalo kontra National University.
“I just have to give honor to them for being warriors,Bright [Akhuetie], Jun here, and everybody else who contributed should get credit for this,” pahayag ni UP coach Bo Perasol.
Tinalo ng 22-anyos na playmaker para sa lingguhang citation sina Angelo Kouame ng Ateneo, Rhenz Abando ng UST, at Wendell Comboy ng FEU.
-Marivic Awitan