MATAPOS ang matagumpay na 7-0 sweep na kanilang itinala sa unang round, sisimulan ng defending champion Ateneo de Manila ang kampanya na manatiling imakulada sa pakikipagtuos sa University of Santo Tomas ngayon sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Magtutuos ang Blue Eagles at Tigers sa tampok na laro ngayong 4:00 ng hapon pagkatapos ng tapatan ng University of the East at Adamson University na siyang magsisilbing opener ng second round ganap na 2:00 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay.

Sa muli nilang pagtatagpo, tatangkain ng Blue Eagles na makapagtala ng mas kumbinsidong panalo kumpara sa 71-70 panalo nitong Setyembre 11.

Ngunit, sigurado namang hindi ito papayagan ng UST na hangad palakasin ang kanilang tsansa sa top 2.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Kaya naman, inaasahan na ang mas mahigpit na salpukan ng dalawang koponan partikular ang kanilang mga foreign slotmen na sya ring malapit na magkatunggali sa Season MVP na sina Angelo Kouame at ang nangungunang si Soulmane Chabi Yo.

Sa unang laban, solong ika-4 na posisyon naman ang pupuntiryahin ng Adamson sa pagsagupa nila sa University of the East na magkukumahog namang makaahon mula sa kinalalagyang ilalim ng standings hawak ang markang 2-5, panalo-talo,isa’t kalahating laro lamang ang agwat sa nasa buntot na National University (1-6).

Tatangkain ng Falcons na muling padapain ang Red Warriors gaya ng ginawa nilang 91-80 na paggapi sa unang round.

-Marivic Awitan