MANATILING nangingibabaw at walang bahid ang rekord ang kapwa tatangkain ng reigning titlist San Beda University at College of St. Benilde sa pagsalang nila sa magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang Red Lions at ang Blazers hawak ang malinis na markang 4-0.
Mauunang sumalang ang huli sa pambungad na laro ng nakatakdang triple header ganap na 12:00 ng tanghali kontra Letran.Susunod naman ang Red Lions na sasabak kontra Mapua University sa ikalawang laban ganap na 2:00 ng hapon.
Isa na namang malaking hamon ang kakaharapin ng CSB sa pagsagupa nito sa Letran na itataya naman ang 5-game winning run na kanilang naitala matapos matalo sa Lyceum nitong opening day.
Huling tinalo ng tropa ni coach Bonnie Tan ang winless pa ring Cardinals noong Hulyo 30 sa iskor na 89-84 habang huli namang biktima ng Blazers ang isa sa itinuturing ding contender na San Sebastian Stags,77-72 sa parehas ding petsa.
Sa ikalawang laban, liyamado ulit ang Red Lions sa pagharap nito sa Cardinals na hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang unang limang laban.
Samantala sa tampok na laro, magtutuos naman ganap na 4:00 ng hapon ang season host Arellano University at San Sebastian College.
Magtatangka ang Stags na makabalikwas sa dinanas na tatlong dikit na pagkabigo pagkaraang maipanalo ang unang dalawang laro habang magsisikap naman ang Chiefs na makabawi sa natamong talo sa kamay ng Altas upang umangat mula sa kasalukuyang markang 1-4.
-Marivic Awitan
Standings W L
San Beda 4 0
CSB 4 0
Letran 5 1
LPU 4 1
SSC-R 2 3
Perpetual 2 3
JRU 3 4
Arellano 1 4
EAC 1 5
Mapua 0 5
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
12:00 n.t. -- Letran vs Benilde (M)
2:00 n.h. -- San Beda vs Mapua (M)
4:00 n.h. -- Arellano vs San Sebastian (M)