Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

12:00 pm San Sebastian vs. San Beda (M)

2:00 pm Lyceum vs. JRU (M)

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

4:00 pm EAC vs.Arellano (M)

MAKAMIT ang ika-apat na sunod nilang panalo para manatili sa kanilang pamumuno ang tatangkain ng defending champion San Beda University sa pagsalang nila ngayong hapon kontra sa kapitbahay nilang San Sebastian College sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Taglay ang malinis na markang 3-0, panalo-talo, sasagupain ng Red Lions ang Stags sa pambungad na laro ngayong 12:00 ng tanghali.

Magtatangka namang bumangon mula sa nalasap na 69-80 kabiguan sa kamay ng Lyceum ang San Sebastian na kasalukuyang nasa ikalimang posisyon hawak ang kartadang 2-1.

Inaasahang mamumuno sa gagawing pagbawi ng Stags si RK Ilagan na nabigong umiskor ng kahit isang puntos sa nakaraang laban nila kontra Pirates.

Gayunman, inaasahang hindi magiging madali ang kanilang hangad na makabawi lalo pa’t mainit din ang Red Lions na galing naman sa 89-72 paggapi sa Emilio Aguinaldo College Generals sa homecourt ng huli noong nakaraang linggo para sa ikatlong sunod nilang panalo.

Unahan namang makapagtala ng kani-kanilang ikatlong sunod na panalo ang magkatunggaling Lyceum of the Philippines University at Jose Rizal University sa ikalawang laban ganap na 2:00 ng hapon.

Kapwa galing sa back-back wins ang dalawang koponan, ang Pirates matapos mabigo sa kanilang ikalawang laro kontra Generals at ang Heavy Bombers matapos ang panimula sa season na tatlong dikit na kabiguan.

Huling tinalo ng Lyceum ang San Sebastian habang pinakahuling biktima ng JRU ang 12University of Perpetual Help noong Hulyo 23.

Sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon, magkukumahog naman na makabalik ng win column ang Generals matapos ang kinasadlakang dalawang dikit na kabiguan na nagbaba sa kanila sa kartadang 1-3 habang sisikapin naman ng katunggali nilang Arellano Chiefs (0-3) na masungkit na ang napakailap na unang panalo.

-Marivic Awitan