Hindi natinag si Pangulong Rodrigo Duterte sa bantang impeachment complaint na nag-ugat sa pahayag nito na maaaring makapangisda ang mga Tsino sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ikinatwiran ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, nasa likod pa rin ng pangulo ang mga kaalyado nito sa Kongreso kaya kumpiyansa ito na hindi papasa sa House justice committee level ang nasabing reklamo.
Karamihan aniya sa mga kongresista ay sumusuporta sa mga hakbang ng pangulo sa maritime issue.
“How can the President be scared sa impeachment? An impeachment is a numbers game. Eh supermajority ngayon sa Kongreso. Baka sa committee on justice wala na agad ‘yun,” sabi ni Panelo.
Nauna nang nagbanta si Duterte na ipakukulong nito ang sinumang maghahain ng impeachment laban sa kanya kaugnay ng naging pahayag nito sa iringan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Hinamon din nito ang kanyang mga kritiko na magsampa na sila ng reklamo kung matatapang ang mga ito.
Kamakailan, nagbanta ang ilang grupo na posibleng ma-impeach ang punong ehekutibo nang ideklara nitong hindi pagbabawalan ng Pilipinas ang China na makapangisda sa EEZ ng bansa.
Anila, ang naging hakbang ni Duterte ay paglabag sa Konstitusyon na nagsasabing dapat na protektahan ng bansa kanyang teritoryo, kabilang na ang EEZ nito.
"I-impeach ako? Kulungin ko silang lahat. Subukan ninyo,” banta naman ni Duterte.
Idinahilan pa ni Panelo, pinoprotektahan talaga ng pangulo ang buong bansa, hindi lamang ang marine resources nito, matapos itong tumangging makipagdigma sa China kaugnay ng territorial conflict.
Kaya aniya nagagalit si Duterte dahil hindi niya alam kung bakit kinokontra ng mga ito ang kanyang mga polisiya para sa kapakanan ng bansa.
"How can he be violating (the Constitution)? He's even going beyond the provision that says you protect the mineral, maritime (resources). What he's actually doing is protecting the entire Philippines. We can't use those resources if we are all gone," sabi pa ni Panelo.
Wala namang problema kay Justice Secretary Menardo Guevarra kung sasampahan ng reklamo ang pangulo.
“Anyone is free to file an impeachment complaint against the President,” paliwanag nito.
Sinabi nito, hindi katulad ng labanan sa hukuman, hindi talaga legal proceedings ang impeachment.
“It involves a whole gamut of political, economic, and other considerations. In the end the question is, did the president act against the general interest of the entire Filipino nation,” idinagdag pa ng kalihim.
-Genalyn D. Kabiling at Jeffrey Damicog