Nasa 700 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraan sumiklab ang sunog sa mataong lugar sa Barangay Tipolo sa Mandaue City, Cebu, ngayong Huwebes ng madaling araw.

Nagsimula ang sunog sa Sitio Basubas, bandang 1:18 ng umaga.
Dahil gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay, mabilis na kumalat ang apoy sa Sitio Espina at Sitio Maharlika, ayon kay SFO2 Edgar Vergara, ng Mandaue City Fire Station.
Nasa 500 bahay naman ang natupok, at umaabot sa P1.3 milyon ang naabong ari-arian.
Tatlong silid-aralan sa Tipolo National High School at isang bodega ng brewery company sa siyudad ang nadamay din sa sunog.
Itinaas ang sunog sa Task Force Alpha bandang 2:34 ng umaga, at idineklarang under control pagsapit ng 3:30 ng umaga, hanggang sa tuluyang maapula, dakong 9:12 ng umaga.
Ayon kay Vergara, natukoy sa paunang imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa bahay ng mag-asawang Mariano at Alma Conchas.
Sinabi ng mag-asawa na nagsimula ang sunog sa kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay, na nirerentahan ng isang mag-asawa na wala sa lugar nang mangyari ang sunog.
Sinasabing napabayaang appliances o niluluto ang posibleng pinagmulan ng sunog.
Kaugnay nito, nagkasundo si acting City Mayor Carlo Fortuna at mga kinatawan ni Mayor-elect Jonas Cortes na magdaos ng special session kahapon, para sa deklarasyon ng state of calamity sa barangay.
Sinabi naman ni Jessie Perez, hepe ng Mandaue City Social Welfare Services (CSWS) office, na bawat pamilyang naapektuhan ng sunog ay tatanggap ng P10,000. Nasa P5,000 naman ang matatanggap ngf mga may-ari ng mga “partially damaged” na bahay at umuupa.
Kasalukuyang nakatuloy sa Cebu International Convention Center (CICC) ang mga nasunugan.
-Calvin D. Cordova