KRITIKAL ang situwasyon ng tubig sa Angat Dam na nagsusuplay ng inuming tubig (potable water) sa may 12.8 milyong residente ng Metro Manila. Ang dam na watershed river basin ay naka-straddle o nasa pagitan ng mga bayan ng Dona Remedios Trinidad, Norzagaray at San Jose del Monte.
Batay sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Huwebes ng alas-6 ng umaga, ang level o antas ng tubig sa Angat Dam ay 160.73 metro. Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), kapag bumagsak pa nang mababa sa 160 metro ang tubig sa Angat Dam, babawasan pa ang alokasyon ng potable water supply sa mga residente ng Metro Manila na siniserbisyuhan ng concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS)—ang Manila Water at Maynilad.
Sabi ng palabiro kong kaibigan: “Sana naman ay hindi magsabay na walang tubig at kuryente dahil milyun-milyong Pinoy ang mangangamoy at madadapa sa dilim.” Sabad ni senior-jogger, umaasa pa naman ang mga Pinoy sa pagdating at pagkakaroon ng PAGBABAGO sa Duterte administration subalit ang pagbabago pala ay kakulangan ng tubig, manipis na kuryente at El Niño.
Gayunman, nakapag-isip yata ang matandang jogger: “Hindi naman kasalanan ng administrasyon ang pagsulpot ng El Nino. Gusto nga ni Pres. Digong bigyang-ginhawa ang mga Pinoy, pero pati ang kalikasan ay ayaw makisama sa kanya.” Samakatwid, badya ni Tata Berto, magnaspu-naspu na lang muna tayo at iwasan ang labis na pagpapawis.
Samantala, matindi raw ang pagdaramdam ng mga Pilipino sa pagbangga ng Chinese vessel sa fishing boat ng mga mangingisdang Pinoy noong Hunyo 9 malapit sa Recto Bank sa Palawan. Lalo raw nagalit ang mga Pinoy dahil hindi tinulungan ng Chinese vessel crew ang mga Pinoy fishermen na nalubog sa gitna ng dagat ng kung ilang oras. Buti na lang at sinagip sila ng isang Vietnamese boat.
Sinabi ni Gregory Poling ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) at isang fellow sa Southeast Asia Program ng Center for Strategic and International Studies (CSIS), ang pagbangga ay bunga ng pag-deputize sa daan-daang fishing boats bilang militia force ng China.
Kapag hindi raw kumilos ang Pilipinas, posibleng maulit ang pagbangga at pagpapalubog sa mga fishing boat ng mga Pinoy, tulad ng nangyari sa F/B Gem-Ver 1. Ginawa na rin daw ito ng China sa mga bangka ng Vietnam, binabangga at pinalulubog, pero lumalaban ang Vietnam.
Mahigpit ang labanan sa Speakership ng Kamara. Sa PDP-Laban, ang partido ng ating Pangulo, tatlo ang tumatarget sa puwesto—sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez (dating Speaker), at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales.
Dalawa pang kongresista ang nag-aambisyon din sa puwesto—sina Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano ng Nacionalista Party at Leyte Rep. Martin Romualdez ng Lakas-CMD. Sino man sa kanila ang maging Speaker, tiyak na ito ay may “basbas” ni Pres. Duterte o ng kanyang matapang na anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Sino sa palagay ninyo ang babasbasan nina PRRD at Inday Sara?
-Bert de Guzman