Nagpaalala ang Department of Transportation sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho—at huwag makikipaglambingan sa katabi—upang makaiwas sa disgrasya.

WARNING

Ayon sa DOTr, dapat na sa kalsada nakatuon ang konsentrasyon ng driver tuwing nagmamaneho, at hindi sa ibang bagay, lalo na sa kasintahang katabi nila.

Ito ay kasunod ng pagba-viral ng isang video na ipinaskil sa Facebook page na Carbrazzer.tv, na makikita ang isang magkasintahan na naglalambingan habang nagmamaneho ang lalaki, katabi ang nobya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Pasintabi lang po, Ma’am and Sir. Ayaw po namin maging KJ at makasira sa lambingan moments ninyo. We understand you love each other. Pero, love din po namin kayo, and we want you to be safe,” paalala ng DOTr sa Facebook account nito.

“Dahil diyan, nais po namin kayong paalalahanan na.... okay lang maglambingan, basta nasa ligtas na lugar, pagkakataon at pamamaraan,” saad pa sa post.

Ipinasa na umano ng DOTr ang kopya ng naturang video sa Land Transportation Office (LTO) upang magawaan ng karampatang aksiyon.

“TANDAAN: Kapag nagmamaneho, ang focus dapat ng driver ay sa kalsada, hindi sa katabi niya,” paalala pa ng DOTr.

“Minsan, mas okay na bumitaw sa nobya, ‘wag lang sa manibela. No bitter feelings. Just pag-ibig.”

-Mary Ann Santiago