Isang linggo makaraang ilunsad ng Bureau of Customs ang modernong information systems nito, na-hack ang website ng ahensiya nitong Lunes.
Sinabi ngayong Martes ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na nagkaroon ng unauthorized intrusion sa website ng kawanihan.
Mariin niyang kinondena ang nangyari, pero hindi na siya naglabas ng iba pang detalye.
Nitong Lunes ng gabi, pinasok ng mga hackers ang website at nag-iwan ng note: “Hacked by Ultimate Haxor”.
Gayunman, napanatili ang laman at news updates ng website.
Ayon kay Guerrero, “the incident is an attempt by criminals to derail the computerization program of the bureau designed to promote efficiency, transparency and eradicate graft and corruption.”
Sa kabila ng nangyari, tiniyak ng komisyuner sa publiko na ang electronic-to-mobile (e2m) computer system ng Customs “remains intact and secure and that there is no disruption in the operations of the bureau.”
Hindi pa rin ma-access ang website ng BoC habang isinusulat ang balitang ito.
-Betheena Kae Unite