Inaresto ng mga pulis at sundalo ang provincial director ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Basilan, makaraang masamsaman ng mga gamit sa paggawa ng pampasabog nang salakayin ang kanyang bahay sa Isabela City, Basilan ngayong Martes.

TESDA

Kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang raid sa bahay ni TESDA-Basilan Provincial Director Muida Hataman sa Barangay San Rafael, Isabela City.

Nakumpiska umano sa loob ng bahay ng opisyal ang mga gamit sa paggawa ng improvised explosive device (IED) nang salakayin ang bahay nito sa bisa ng search warrant.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

Napaulat na si Hataman ay isa umano sa mga asawa ni Radzmir Janatul, na kinilala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang sub-commander ng Abu Sayyag Group, sa ilalim ng leader na si Furuji Indama.

Batay sa media reports, dati na umanong pinabulaanan ng TESDA provincial director na may kaugnayan siya sa Abu Sayyaf.

Sinabi naman ni TESDA Secretary General Isidro Lapeña na hindi niya kukunsintihin ang anumang pagkakamali ng sinuman sa mga tauhan ng ahensiya.

Sa isang pahayag ng pagkumpirma sa pagkakaaresto kay Hataman, sinabi ni Lapeña na Hulyo 2012 nang ma-hire ang opisyal bilang supervising TESDA specialist.

Agosto 2013 naman nang na-promote ito bilang Director III, at simula noon ay itinalaga na sa Basilan bilang provincial director ng ahensiya.

“The agency is saddened by this incident, mindful that this may send the wrong messages to the sector that we serve,” ani Lapeña, at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon laban kay Hataman.

-Fer Taboy at Dhel Nazario