Sugatan ang isang pulis makaraang barilin ng mga anti-scalawag operatives ng PNP, kasunod ng pagtatangka niya umanong kotongan ng P150,000 ang isang babae kapalit ng paglalabas sa sasakyang nakumpiska sa isang anti-drugs operation sa Pampanga.

Stable na ngayon ang kondisyon ni Corporal Joeton Samson, na inilipat sa kustodiya ng pulisya matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ngayong Martes ng madaling araw, sa Barangay Maimpis sa San Fernando City, Pampanga.
Sinabi ni PNP spokesman Col. Bernard Banac na ang operasyon laban kay Samson ay nag-ugat sa reklamo ng isang babae na nagsabing hiningan umano siya ng pulis ng P150,000 para mai-release na ang kanyang kotse.
Nakumpiska ang kotse ng babae sa isinagawang anti-drugs operations sa Mabalacat kamakailan.
Nagkasa naman ng entrapment ang mga operatiba ng IMEG, na tinangka umanong takasan ni Samson, sakay sa sariling sasakyan.
Binaril umano ng mga pulis ang mga gulong ng sasakyan ni Samson, hanggang sa makipagbarilan na umano ang huli sa mga kapwa pulis.
“Eventually, the suspect was cornered but instead of surrendering, he immediately fired his firearm towards the operatives prompting them to return fire hitting the suspect on his left shoulder,” ani Banac.
“First aid was applied by the arresting elements before he was rushed by City Risk Reduction Management Unit of San Fernando City at Jose Lingad Memorial Hospital and was declared safe and stable by the attending physician,” dagdag ni Banac.
Nabawi umano kay Samson ang P150,000 boodle money at isang baril.
-Aaron Recuenco