Plano ni Manila Mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso na muling buksan sa publiko, sa loob ng 24-oras, ang Lacson Victory underpass na ipinagawa at ipinasara sa dalawang termino ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada.

Layunin nitong matuldukan ang paghihirap ng mga senior citizen, na kailangan pang umakyat ng footbridge at maglakad nang malayo para makarating sa Simbahan ng Minor Basilica ng Quiapo.
Sa courtesy visit ni Moreno sa tanggapan ni Estrada nitong Lunes, sinabi niyang ibabalik niya sa mga Manileño ang Lacson underpass.
Aniya, mga bisita lang ang umookupa sa underpass, at kung hindi susunod ang mga ito ay mapipilitan siyang paalisin ang mga ito.
Matatandaang 10 buwang isinailalim sa renovation ang nasabing underpass noong 2014, sa ilalim ng termino ni Estrada; nilagyan ng glass door ang anim na entrance nito sa Quezon Boulevard, Hidalgo Street, Arlegui Street, at Quiapo Church at pinaglaanan ng espasyo ang street vendors.
Gayunman, mistulang naging pribadong pag-aari ng mga vendors ang nasabing underpass dahil binubuksan lang ito ng 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.
-Mary Ann Santiago