Mga Laro Ngayon (Araneta Coliseum)
4:30 pm Columbian Dyip vs. Magnolia
6:45 pm Ginebra vs. San Miguel
Apat sa anim na koponang nasa lower half ng standings ang sasabak ngayon para sa tangkang unti-unting umangat sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2019 PBA Commissioner's Cup sa Araneta Coliseum.
Unang magsasagupa sa pambungad na laro ganap na 4:30 ng hapon ang Columbian Dyip (1-3) at ang Magnolia (1-2) bago ang salpukan ng Barangay Ginebra (2-3) at San Miguel Beer (1-2) ganap na 6:45 ng gabi.
Sa apat na koponan, ang Kings lamang ang galing sa kabiguan habang ang Dyip, Hotshots at Beermen ay galing sa kani-kanilang unang tagumpay.
Nakaahon mula sa tatlong sunod na kabiguan, hangad ng Dyip na masundan ang naitalang 120-105 na panalo nila noong Hunyo 1 kontra NLEX sa MOA Arena.
Kapwa naman galing sa panalo noong nakaraang Biyernes ang nakaraang Philippine Cup finals protagonists Hotshots at Beermen, ang una kontra NLEX, 98-88 at ang huli laban sa dating namumunong Blackwater, 127-106.
Para naman sa Kings, magkukumahog itong makaahon mula sa kinasadlakang dalawang dikit na kabiguan, pinakahuli kontra TNT noong nakaraang Miyerkules, 96-104.
Patutunayan ng Beermen ni coach Leo Austria na kaya nilang manalo sa pagkakataong ito kahit may import ang kanilang katunggali kasunod ng naging panalo nila sa import less Elite.
Inaasahang magiging matindi ang tapatan ng dalawang koponan partikular ng mga reinforcements na sina dating Best Import Charles Rhodes para sa Beermen at reigning Best Import Justine Brownlee para sa Kings.
Marivic Awitan