Ipinagdiinan kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV na si Peter Joemel Advincula o "Bikoy" ay kumilos sa sarili nitong mga paa at hindi binayaran ng oposisyon upang tuligsain si Pangulong Duterte.

Sa press briefing sa Senado, ipinakita ni Trillanes ang patunay na hindi ang mga kritiko ng administrasyon ang nasa likod ng "Ang Totoong Narco List," na nagsasangkot sa pamilya ng Punong Ehekutibo at iba pang pulitiko sa ilegal na droga bilang pahagi ng umano’y plano sa pagpapatalsik sa Pangulo.

Ipinakita ni Trillanes ang umano’y text messages ni Advincula sa isang pari na kanyang nilapitan noong nakaraang taon.

Sinabi niya na ang kopya ng text messages ay ibinigay sa kanya ng religious groups na nag-alaga kay Advincula, ngunit hindi niya binanggit ang pangalan ng pinadalhan ng mensahe.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa kanyang mensahe nitong Agosto ng nakaraang taon, nagpatulong si Bikoy sa pari para ilantad ang kanyang "important" impormasyon laban kay Duterte at iba pa.

"Hindi na po ito biro-biro padre! Baka po maunahan tayo! Dini-discredit na agad ako ng grupo nila Bong Go sa kung ano pwede kong ipalabas na ebidensya laban sa kanila," mababasa sa umano’y mensahe ni Advincula, na ipinakita sa media, noong Agosto 23, 2018.

"Padre kunan mo na ako ng video para marecord ka ng testimonya ko! Yung sa maghintay kaya ko yun padre! Pero yung sisihin palagui ako yun ang 'di ko kaya padre! Plano ko nang tapusin ang buhay ko! Ang sakit-sakit na ng ulo ko!" banta nito.

Sa isa pang mensahe, lumalabas na nanghihingi si Advincula ng P16,700 upang pambayad sa bahay at pamasahe mula sa Albay.

Sa ipang mensahe, binanggit ang pangalan ni Trillanes at sinabing, "Padre tumulong sa hindi si Trillanes itutuloy ko ito! Naumpisahan ko na 'to tatapusin ko ito! Kahit utangin man dito [ang] buhay ko!"

Sinabi ni Trillanes na pinatutunayan ng mensahe na si Advincula ay hindi tinuruan sa kanyang mga pahayag sa kontrobersiyal na mga video.

"Kung ako ang nagbibigay sa kanya bakit siya (Advincula) nagsasabi ng ganito...Makikita niyo 'yong tema, siya 'yong nangungulit doon sa mga nagkukupkop sa kanya. Kabaligtaran sa kanyang alegasyon na ito ay sinusubo na sa kanya na para siyang robot na sinususian lang," wika ni Trillanes.

-Vanne Elaine P. Terrazola