Isang lalaki na umano’y pumatay ng kainuman at nanghostage ng isang pamilya ang napatay nang pumalag sa mga pulis sa Port Area, Maynila, nitong Linggo ng madaling araw.

Binawian ng buhay ang suspek na si Roy Castillo, nasa hustong gulang, taga-Mainaga, Mabini, Batangas, dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakilala rin ng pulisya ang biktima na si Rolando Vendollo, Jr., 33, helper, ng Baseco Compound, Port Area, na dead on arrival sa ospital dahil sa saksak sa katawan.
Sa report, aarestuhin na sana ang suspek nang lumaban umano ito sa mga pulis, dakong 12:30 ng madaling araw.
Sinabi ng pulisya, na bumisita ang suspek sa bayaw nito sa nasabing lugar, kasama ang isang alyas “Mario”, nitong Hunyo 7, dakong 7:00 ng umaga.
Magdamag umano silang nag-inuman at kinabukasan ay iba na umano ang ikinikilos ng suspek hanggang sa pumasok sa bahay ni Resaly Castillo.
Bigla na lamang umanong ikinulong sa bahay sina Resaly, apat na anak nito, at bayaw na si Vendollo. Hinarangan din umano ng suspek ng mga drum na puno tubig ang pintuan.
Nang mabuksan ni Vendollo ang pinto, sinaksak ito ng suspek.
Nasamsam sa crime scene ang isang kitchen knife, isang bread knife, at limang basyo ng bala.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang.
-Erma R. Edera