Standings W L
PetroGazz 4 0
Pacifictown 2 1
Creamline 2 1
BanKo-Perlas 2 2
BaliPure 0 3
Motolite 0 3
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2:00 n.h. -- Pacific Town-Army vs PetroGazz
4:00 n.h. – Creamline vs Motolite
GANAP na mawalis ang unang round ang tatangkain ng PetroGazz sa pagsagupa sa Pacific Town Army ngayong hapon sa Premier Volleyball League Season 3 Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Magtutuos ang Angels at Lady Troopers sa unang salpukan ganap na 2:00 ng hapon na susundan ng tapatan ng defending champion Creamline at ng Motolite ganap na 4:00 ng hapon.
Muling sasandigan ng Angels sina imports Wilma Salas ng Cuba at ang Amerikanang si Janisa Johnson para pangunahan ang koponan sa pagsungkit ng ikalimang sunod nillang tagumpay upang perpektong umusad sa second round na ngayon pa lamang ay kanila ng pinaghahandaan.
“The more na nananalo, the more na rin hindi dapat magiging complacent kasi yung mga kalaban lalong magpe-prepare ‘yan lalo sa second round,” pahayag ni Petro Gazz head coach Arnold Laniog. “Hopefully, may maihanda kaming gameplan going to the second round kasi siyempre ‘yung kalaban binabasa kami.”
Kasalukuyan namang nasa ikalawang posisyon kasalo ng Cool Smashers sa barahang 2-1, sisikapin ng Army na mapigil ang tangkang sweep ng first round ng PetroGazz sa pamumuno ng mga Thai imports na sina Sutadta Chuewulin at Kannika Tipachot.
Sa tampok na laban, pupuntiryahin naman ng Creamline sa pangunguna nina imports Kuttika Kaewpin ng Thailand at Venezuelan Aleoscar Blanco katuwang ang mga local aces na sina Alyssa Valdez at Michelle Gumabao ang ikatlo nilang panalo kontra sa winless pa ring Motolite.
Marivic Awitan