Dinampot ang isang babae, na umano’y may diperensiya sa pag-iisip, nang tangkain umanong dukutin ang 11 batang babae sa Barangay West Crame, San Juan City, iniulat ngayong Martes.

BATA_ONLINE

Sa ulat na isinumite ni San Juan Police chief, P/Col. Ariel Fulo kay Eastern Police District (EPD) director P/BGen. Christopher Tambungan, kinilala ang suspek na si Myra Pilapil, 41, canteen helper, taga-Arranque, Maynila.

Ayon kay Fulo, dinakma si Pilapil nang tangkaing tangayin ang 11 babae, na nasa edad 6 hanggang 12, bandang 4:00 ng hapon kamakailan.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Sa imbestigasyon ng Women and Children’s Desk, naglalaro ang mga bata sa tapat ng isang bahay sa Road 7, Bgy. West Crame, at sumulpot ang suspek.

Nilapitan ng suspek ang mga bata at inalok ng juice saka niyayang kumain sa isang fastfood chain sa Bgy. Greenhills.

Tumanggi ang mga bata dahilan upang kaladkarin ang mga ito ng suspek.

Isang residente ang nakakita sa nangyari kaya agad na humingi ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ng San Juan Police at tanod, at inaresto ang suspek.

Itinanggi ni Pilapil na tinangka niyang tangayin ang mga biktima.

Ayon sa pamilya ni Pilapil, may diperensiya ito sa pag-iisip at minsan nang ipinasok sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City.

Nakakulong ang suspek sa San Juan City Police at nahaharap sa kasong abduction in relation to RA 7610 o Anti- Child Abuse Law.

-Mary Ann Santiago