Patay ang isang isang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) matapos umanong malunod habang isinasailalim sa pagsasanay ang grupo nito sa Calatagan, Batangas, nitong Linggo ng umaga.

Sa paunang ulat, kinilala ni Calatagan Police chief, Major Radam Ramos, ang nasawi na si Patrolman Manny Baldonado, 27, ng Bgy. Rizal, Santiago City sa Isabela.
Sinabi ni Ramos, kabilang si Baldonado sa SAF Commando Class 85-2018 na sumasailalim sa waterborne training course nang aksidente umano itong malunod sa karagatang bahagi ng Barangay Baha, dakong 9:10 ng umaga.
Matapos mabigyan ng paunang-lunas ng police medical team, agad itong isinugod sa Metro Balayan Medical Center kung saan ito binawian ng buhay.
Agad namang inireport ni Course director Major Joey Aniban sa pulisya ang insidente.
Gayunman, ipinaliwanag ni Ramos na nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon upang madetermina ang sanhi ng pagkasawi ni Baldonado.
-Lyka Manalo