Magpupulong sa susunod na linggo ang mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority at Department of Transportation kaugnay ng pagsasara ng mga provincial bus terminals sa EDSA sa susunod na buwan.
Sinabi ngayong Biyernes ni MMDA General Manager Jojo Garcia na pangunahin sa kanilang agenda ang pagputol sa franchise route ng mga bus na biyaheng probinsiya hanggang sa mga interim terminals na nasa Sta. Rosa, Laguna at Valenzuela City; at ang extension ng ruta ng city buses para matiyak na mapagiginhawa ang biyahe ng mga pasahero.
“We want to ensure the availability of city buses that will pick up passengers from the interim terminals before we conduct the dry run on the use of the terminals,” sinabi ni Garcia kanina, pagkatapos ng pulong ng Metro Manila Council (MMC) sa MMDA headquarters sa Makati City.
Ayon kay Garcia, ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng DOTr ang magrerebisa at mag-aapruba sa mga ruta ng mga bus, habang MMDA naman ang magpapatupad nito.
Sa kabila ng mga panawagan na itigil ang pagpapasara sa mga provincial bus terminals sa EDSA, tiwala si Garcia na ang inisyatibo ay makapagpapaluwag sa EDSA, partikular sa yellow lane para sa mga city buses.
Maliban sa city buses, sinabi ni Garcia na tinitingnan din ng MMDA ang deployment ng mga point-to-point buses (P2P) buses bilang kapalit ng provincial buses.
Target ng MMDA na isara ang 46 na provincial bus terminals sa EDSA sa Hunyo.
-Bella Gamotea