MAHIGPIT nating tinututukan ngayon ang paggalaw ng pandaigdigang presyo ng langis para sa hindi maiiwasang epekto nito sa presyo sa merkado—ang inflation—sa ating bansa. Sumirit pataas ang presyo ng mga bilihin sa Pilipinas noong nakaraang taon, na ayon sa mga economic managers ng bansa ay dulot ng paggalaw ng pandaigdigang presyo ng langis, bagamat kumbinsido ang mga kritiko na malaking bahagi ng rason ay ang bagong taripa sa mga angkat na diesel na ipinatupad sa ilalim ng TRAIN Law.
Napigilan natin ang patuloy na pagtaas ng mga presyo bandang Oktubre noong nakaraang taon sa pamamagitan ng ilang solusyon, kabilang ang pagsasabatas sa Rice Tariffication Law, na sumisiguro sa sapat na supply ng murang angkat na bigas. Huminto rin ang paggalaw ng pandaigdigang presyo ng langis, na nagpahupa sa problema.
Ngunit ngayon, sa ikaapat na buwan ng taon, nagsisimula na namang tumaas ang presyo ng langis sa mundo. Tumaas na ng halos 40 porsiyento ang presyo ng Brent Crude oil simula noong Enero, ayon sa ulat mula sa Singapore. Isinisisi ito sa naging desisyon ng Amerika na lalong gipitin ang Iran sa mga sanction, na nananawagan sa ibang mga bansa na itigil ang pag-aangkat ng langis mula sa bansa o maharap sa isang ‘punitive action’. Binawasan din ng Organization of Petroluem Exporting Countries (OPEC) ang produksiyon upang mataas ang pandaigdigang presyo.
Ngayong bahagi ng taon, nasa $63 kada bariles na ang presyo ng Brent Crude, ayon sa Oxford Economics ng United Kingdom, ang nangunguna sa pag-uulat sa mga global market trends at pagtataya sa epekto nito sa ekonomiya, lipunan at negosyo. “But the market is tightening and all it takes is one more shock to the supply and oil could reach $100 per barrel by the fourth quarter of 2019. If this should happen, the Philippines would be the hardest hit among the world’s emerging markets,” pahayag nito.
Umaasa tayong hindi mangyayari ang pangambang ito ngunit isa itong posibilidad sa pagtingin ng international business groups, na laging nakatutok at nag-aanalisa sa mga pagbabago sa ekonomiya at pulitika na nakaaapekto sa kalakaran ng mundo. Tinukoy pa ng Oxford Economics ang magiging epekto sa Pilipinas sa pagtataya nito sa nangyayaring paggalaw sa presyo ng langis.
Ilang buwan ang inabot bago tayo nakaahon sa problema ng inflation noong nakaraang taon, panahon kung saan nasaksihan ng lahat ang pagdurusa ng bawat pamilya sa bansa mula sa walang tigil na pagtaas ng presyo sa merkado.
Ngayon pa lamang, dapat nang tutukan ng ating mga opisyal ang mga pagbabago sa presyo ng langis sa mundo lalo’t tiyak ang epekto nito sa atin.
Kailangan nilang maging handa sa paglalatag ng mga plano at programa na tutugon upang iwasang maulit muli ang matinding krisis na pinagdaanan ng mga Pilipino noong nakaraang taon