Iwas-traffic! Maraming Labor Day protests bukas sa Maynila.

PROTESTS

Magpapatupad ng road closure at traffic rerouting ang Manila Police District (MPD) kaugnay ng mga kilos-protesta para sa Araw ng Paggawa bukas.

Sa abiso ng MPD, na pinamumunuan ni B/Gen. Vicente Danao Jr., sinabi niyang asahan na ang pagsisikip ng trapiko sa mga lugar na pagdarausan ng mga rally sa Morayta, Mendiola, Department of Labor and Employment (DoLE) sa Intramuros, Plaza Miranda, Liwasang Bonifacio, at US Embassy.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinayuhan rin ni Danao ang mga motorista na maghanap ng mga alternatibong ruta upang hindi maipit sa trapiko.

Ang mga dadaan sa Mendiola na magmumula Legarda ay pinakakanan sa Bustillos, habang ang mga mula sa P. Casal ay pinakakaliwa sa C. Aguila, at ang pa-eastbound ng CM Recto ay pinakakaliwa sa Rizal Avenue.

Sa bahagi naman ng US Embassy, ang mga behikulong mula sa westbound lane ng Kalaw na papunta sa Roxas Boulevard southbound ay pinakakaliwa sa MH Del Pilar Street, habang ang mga gagamit sa Roxas southbound ay pinakakaliwa sa P. Burgos.

Ayon sa MPD, ang mga isasarang kalsada, na maaapektuhan ng mga kilos-protesta, ay ibabase sa aktuwal na kondisyon ng trapiko sa lugar.

Kinumpirma naman ngayong Martes ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magpapakalat ito ng 3,000 para tiyaking magiging maayos at mapayapa ang mga Labor Day rally sa Metro Manila.

Nagpaalala rin si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Oscar Albayalde sa mga raliyista na mag-ingat sa mga “infiltrators”, makaraang makatanggap ng intelligence report ang militar na may mga New People’s Army (NPA) na magtatangkang makihalo sa mga raliyista para magsimula ng kaguluhan.

-Mary Ann Santiago at Fer Taboy