NATAMO ni world rated at WBO Oriental Youth flyweight champion Jayson Mama ang IBF Silkroad Tournament flyweight title sa kumbinsidong panalo kontra one-time world title challenger at IBF Pan Pacific 112 pounds titlist Teeraphong Utaida ng Thailand kahapon sa Beijing, China.
Nadomina ng 21-anyos at tubong Gen. Santos City, South na si Mama si Utaida sa mga iskor na 98-92, 99-91 at 98-92 para manatiling perpekto ang kanyang kartada sa 12 panalo na may 6 pagwawagi sa knockouts.
Bumagsak naman ang kartada ng beterano at 26-anyos na si Utaida, kilala rin sa pangalang Fahlan Sakkseerin, Jr., sa 38-7-1 na may 21 panalo sa knockouts.
Inaasahang aangat sa WBO rankings si Mama kung saan nakalista siyang No. 14 sa kampeong si Kosei Tanaka ng Japan at posibleng maagaw ang ranking ni Utaida na nakalistang No. 6 contender kay IBF flyweight champion Morute Mthalane ng South Africa.
-Gilbert Espeña