ITINULOY rin nina Pres. Rodrigo Roa Duterte at DILG Sec. Eduardo Año ang pagsasapubliko ng listahan ng umano’y narco-politicians na sangkot sa illegal drugs sa kabila ng babala na baka ito ay labag sa batas at magiging trial by publicity lamang.

Mismong ang Commission on Elections (Comelec) ang nagsabi na balewala sa kanila ang narco-list at papayagan nilang tumakbo ang mga kandidato na nasa listahan dahil hindi pa naman sila convicted o napatunayang nagkasala.

Mula sa Davao City, tinukoy ni PRRD ang 43 local officials at tatlong kongresista, karamihan ay kandidato sa 2019 midterm elections sa Mayo 13, na umano’y dawit sa illegal drugs. Ayon kay PDu30, sinampahan na ng mga kaso ang mga pulitiko sa Office of the Ombudsman.

Umaasa ang mga mamamayan na hindi sana magkamali ang Pangulo at ang DILG sa paglilista sa mga pulitiko sapagkat nakataya rito ang kanilang buhay, dangal at kapalaran sa idaraos na halalan. Hindi raw sana “makuryente” ang ating Pangulo rito.

Batay sa narco-list ni PRRD at DILG, ang mga lokal na opisyal ay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, Caraga Region at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Sa listahan, 35 ang mayor, pito ang vice mayor, isa ang bokal, at tatlo ang kongresista. Sinu-sino sila? Aba, basahin ninyo sa dyaryo noong Biyernes. Naroroon ang mga pangalan.

oOo

Isa sa pangako (o joke) ni PRRD noong siya’y kumakampanya sa May 2016 presidential election ay ang pagbuwag sa Kongreso (Senado at Kamara) kapag sagabal ito sa magagandang panukala ng Malacañang o Executive Branch para sa kabutihan ng bayan.

Bumilib ang mga tao, tulad ng pagbilib sa kanya nang sabihin niyang sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay susugpuin niya ang illegal drugs, itutumba ang drug pushers at users. Ibibigay raw niya ang posisyon sa Vice President kapag ‘di niya nasugpo ang illegal drugs. Pero tapos na ang tatlo hanggang anim na buwan. Hanggang ngayong ikatlong taon niya sa trono, laganap pa rin ang illegal drugs.

Maganda ang layunin ni Pres. Rody na sugpuin ang illegal drugs sa bansa. Subalit mahirap itong masawata kung hanggang ngayon ay patuloy ang pagpupuslit ng shabu sa Bureau of Customs (BoC). Hindi ito masusugpo hanggang namamayagpag ang shabu suppliers, drug lords kahit pagpapatayin man ang ordinaryong pushers at users.

-Bert de Guzman