SA iniibig nating Pilipinas ay may dalawang panahon. Ang panahon ng tag-ulan at panahon ng tag-araw. Sa panahonn ng tag-ulan, nagaganap ang pagkakaroon ng mga malakas na pag-ulan at mga bagyo na nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan sa mga lalawigan at bayan na nadaanan at hinagupit ng malakas na bagyo.
Pinalulubog sa baha ang mga bayan na nagkaroon ng malakas na ulan. At kapag talagang matindi ang hagupit ng bagyo at ulan, lumulubog sa tubig ang mga palayan ng ating mga magsasaka. Ang mga aanihing palay, pagkatapos ng bagyo at baha na nagpalubog sa mga palayan, ay nawalan ng maraming tulyapis o laman. Sa ganitong pangyayari, may lungkot sa puso at kalooban ang ating mga magsasaka. Ang tangi nilang magagawa’y muling araruhin ang kanilang lupang sakahan at magtanim. Kasama ang dalangin na ang kanilang pananim ay huwag sanang mapinsala ng malakas na ulang dala ng bagyo. Sa panahon naman ng tag-araw, dalangin naman ng mga magsasaka na huwag magkaroon ng dry spell o tagtuyot.
Kapag sumapit na ang tag-araw na karaniwang nagsisimula sa buwan ng Enero, malamig ang simoy ng hanging Amihan sa madaling-araw hanggang sa pagbubukang-liwayway at pagsikat ng araw. At habang umaangat ang araw sa Silangan at gumagapang at kumakalat na ang liwanag sa kapaligiran, unti-unti nang mararandaman ang hatid na init ng sikat nito na parang hininga ng isang nilalalgnat. Habang nagtatagal, patuloy ang pagtaas ng araw na ang sikat at liwanag ay parang kumakagat sa balat dahil sa hatid na init.
Ang mga nabanggit ay isang mukha ng tag-araw. Maalinsangan. Idagdag pa ang mga natutuyong mga damo sa paanan at ibabaw ng mga bundok at burol, maging sa mga pilapil sa bukid. Natutuyo at nangangalirang ang mga sanga ng punongkahoy at nalalagas ang mga dahon. Namumulaklak din ang mga halaman sa kabila ng hatid na init ng tag-araw
Bahagi na ng ating buhay ang pag-usad at pagbabago ng panahon. At ang pagsapit ng tag-araw sa pananaw at paniniwala, ay may iba’t ibang anyo at kahulugan. Sa mga likas at katutubo ang sipag, ang tag-araw ay isang magandang pagkakataon at hindi nakababagot na panahon. Isang mainam na panahon na makapaghanap-buhay nang maayos.
Sa buhay ng ating mga magsasaka, ang tag-araw ay panahon ng pag-ani ng mga itinanim na palay bagamat may mga nag-ani na noong Enero at Pebrero, may mga nag-aani naman ng kanilang itinanim na mga gulay. Mababanggit ang mga magsasaka sa Jalajala, Rizal. Ang bayan ng Jalajala ay nasa paanan ng bundok at nasa tabi ng Laguna de Bay. Pagsasaka, pangingisda at pagtatanim ng mga gulay ang hanapbuhay ng mga mamamayan bagamat marami na ring propesyonal na nagtatrabaho sa iba’t ibang bayan sa Rizal at Metro Manila. Ang mga gulay na itinanim ng mga magsasaka sa Jalajala ay sitaw, talong, ampalaya, upo, okra, litsugas, kalabasa at iba pang gulay. Dinadala ang nasabing mga gulay sa palengke ng Tanay at sa Laguna partikular sa Siniloan at Santa Cruz. Ang mga magsasaka sa Jalajala ay mga taga-Barangay Bagumbong, Palay-Palay, Sipsipin at Barangay Lubo. May mga magsasaka at taga-Jalajala na may tanim at nag-aalaga rin ng mga dragon fruit.
May mga magsasaka naman na matapos mag-ani ng palay, ang mga linang ay muling inaararo. Sa tulong ng patubig o irigasyon, muling tatamnan ng palay. Ang mga lupang malapit o nasa tabi ng Laguna de Bay ay inaararo rin at ginagawang “panag-arawan”. At bago pumatak ang ulan ng Hunyo, marami nang magsasaka ang nakapag-ani ng palay. Sa buhay naman ng mga mag-aaral, ang tag-araw ay panahon ng isang mahabang bakasyon. Sa ilang kababayan naman natin, ang tag-araw ay isang panahon ng pagrerelaks, may nagpupunta sa sa iba’t ibang resort sa mga lalawigan kasama ang mga kaibigan at kamag-anak. Nag-a-outing sila.
Sa panahon din ng tag-araw nagsisimula ang pagdaraos at pagdiriwang ng mga kapistahan sa mga bayan at barangay. Ito ay pasasalamat sa Poong Maykapal at sa kanilang patron saint o patroness.
Sa ating buhay, laging bahagi ang panahon ng tag-araw. Marami ang naniniwala ito ay panahon ng maayos na pagtatrabaho at pag-iimpok. At tulad ng tag-ulan na laging kasunod ng tag-araw, nag-iiwan ito ng maraming alaala at gunita, at ng aral na magandang patnubay sa buhay.
-Clemen Bautista