Bumuwelta ang kampo ni Vice President Leni Robredo kay Davao City Mayor Sara Duterte nang sabihan ang alkalde na gumamit pa ito ng “fake news” para ipagtanggol ang naging komento tungkol sa kahalagahan ng pagiging tapat ng isang kandidato.

Vice President Leni Robredo (REUTERS)

Vice President Leni Robredo (REUTERS)

“Salamat, Mayor Sara, pinatunayan mong hindi ka talaga naniniwala na kailangan ang honesty sa public service,” saad sa pahayag ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na ipinadala sa mga mamamahayag kahapon.

Isang abogado at dating kinatawan sa Kamara ng Akbayan Party-list, sinagot ni Gutierrez ang sinabi ni Duterte na si Robredo ang huling tao na dapat magkomento tungkol sa pagiging tapat at pagkakaroon ng integridad.

<b>Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina</b>

“Babanat ka na nga lang, mga fake news pa ang ginamit mo. Ilang beses nang napatunayang peke ang mga ito. Magbasa din kasi ng totoong balita ‘pag may time,” sinabi ni Gutierrez kay Duterte.

“Ginawa mo lahat ito para lang sa pag-iwas sa debate ng mga kinakampanya mong kandidato? Grabe namang tumbling ito para sa mga Hugpong [ng Pagbabago] na nagtatago,” dagdag pa ni Gutierrez.

Tinukoy ni Gutierrez ang mga alegasyon na si Robredo ay may karelasyon umano na lalaking may asawa, at nandaya umano para mahalal na Bise Presidente noong 2016. Matagal nang itinanggi ni Robredo ang nasabing mga akusasyon.

“Leni Robredo should avoid commenting about honesty and integrity. Her honesty has been questioned since day one of her term sa Vice President. She is not called fake VP for no reason,” ganti ni Duterte sa sinabi ni Robredo na dapat na pinahahalagahan ang katapatan ng isang kandidato bilang lingkod-bayan.

“She has refused to answer allegations of her relationship with a married man. She may or may not get away with these but we all know she is not forthcoming in everything,” sabi pa ng presidential daughter.

Sa huli, nagparunggit si Gutierrez at inakusahan ang mayor ng Davao City na masyado pang maaga para mangampanya ito para sa presidential elections sa 2022.

“Magreserba ka naman nang kaunti, madam, masyado pang maaga para mangampanya para sa 2022,” ani Gutierrez.

Inuudyakan ang nakababatang Duterte na kumandidato sa pagkapangulo kapalit ng kanyang ama, na bababa sa puwesto sa 2022. Una nang sinabi ng alkalde na magpapasya siya tungkol dito isang taon bago ang eleksiyon.

Raymund F. Antonio