HABANG ginigiyagis ang bansa ng paglaganap ng tigdas na isinisisi sa maling impormasyon sa Dengvaxia vaccine, na nagdulot ng takot sa mga nanay na pabakunahan ang kanilang mga anak ng kahit anong uri ng bakuna, umiiral naman ngayon ang bakbakan sa pulitika bunsod ng 2019 midterm elections sa Mayo 13.
Ayon sa mga report, 12 kandidato sa pagkasenador ang susuportahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) samantalang walo namang kandidato ng OTSO DIRETSO ang isasabak ng oposisyon sa pangunguna nina Vice President Leni Robredo at Liberal Party Pres. Sen. Francis Pangilinan.
Habang isinusulat ko ito, hindi pa nakalahad ang 12 kandidato ni PRRD subalit ang tiyak dito ay sina ex-SAP Christopher “Bong” Go, ex-PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa, at ex-political adviser Francis Tolentino. Kasama rin yata sa siguradong itataas ang mga kamay ng singer na si Freddie “Anak” Aguilar.
Sa panig ng OTSO DIRETSO, ang iprinoklama ni beautiful Leni sa Naga City ay sina Sen. Bam Aquino, ex-DILG Sec. Mar Roxas, Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, ex-Quezon Rep. Erin Tañada, ex-Solicitor General Florin Hilbay, veteran election lawyer Romulo Macalintal, Marawi civic leader Samira Gutoc, at human rights lawyer Jose “Chel” Diokno.
Walang duda, higit na kilala ang mga kandidato ni PDu30 kumpara sa OTSO DIRETSO senatorial bets. Sabi nga ni VP Leni, karamihan sa kanila ay “di-kilalang personalidad” ngunit deserving na manalo.
Pahayag ni Robredo sa proclamation rally sa Naga City: “Ang kampanyang ito ay isang uphill battle. Mahirap ito sapagkat ang aming mga kandidato ay hindi kilala at sikat. Gayunman, ang difficulty na ito ay siya rin naming magiging lakas dahil batid naming kahit hindi sila popular tulad ng ibang mga kandidato, alam naming sila ang iboboto ng mga tao.”
Binigyang-diin ng biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo na ang halalan sa Mayo 13 ay isang magandang oportunidad sa mga botanteng Pilipino na itama ang kanilang pagkakamali noon.
“Marami tayong mga reklamo sa nangyayari sa atin ngayon, pero tayo ay bahagi rin nito,” ani VP Leni. Sinabi niyang ang pagkakamaling ito ay maitatama sa eleksiyon sa Mayo 13. Sana, sana, sana.
oOo
Tungkol sa Year of the Pig na batay sa pabiro ngunit sarkastikong komento ng kaibigan ay Taon ng Mga Mambabatas (dahil sa pork barrel), tahasang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na maghahati-hati ang mga kongresista at senador sa P99-bilyon pork barrel funds kapag hindi gumamit ng veto power si Mano Digong sa P3.757-trilyon budget para sa 2019.
Batay sa matrix na ipinakita ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., chairman ng House committee on appropriations, nagsingit ang mga kongresista ng pork barrel funds na P23.9 bilyon samantalang ang mga senador ay nag-realign ng P49.6 bilyon. Ang bicam naman ay may sariling insertions na P25.2 bilyon kung kaya ang kabuuan ay P98.7 bilyon.
Mahirap maintindihan ng mga ordinaryong Pinoy ang ganitong mga insertion o singit. Ang tanging alam nila, sila ay naghihirap sa pagtatrabaho samantalang ang mga manggagatas, este mambabatas ay sagana sa “mantika” at maginhawa ang buhay. Sila nga ba ay tunay na Lingkod ng Bayan o Sumpa ng Bayan?
Maging maingat sa pagboto sa Mayo.