MULING naitakda ang pagtatapat sa kampeonato ng nakaraang finalists ng UAAP Season 80 Baseball tournament sa ginaganap na Philippine Baseball League sa Rizal Memorial Baseball Stadium
Kahapon habang inihahanda na para sa pagsasara ang pahinang ito, nagtutuos naman para sa unang kampeonato ng liga ang reigning UAAP champions Adamson University at ang nagtapos na top-seeded team ng liga na De La Salle University sa makasaysayang venue sa lungsod ng Manila.
Naitakda ang nasabing finals meeting matapos ang naitalang 10-9 came-from-behind na panalo ng Adamson kontra second-seed Itakura Parts Philippines Corporation Nationals.
Naunang nagtala ng pitong runs sa 7th inning ang IPPC na nagbigay sa kanila ng 9-3 bentahe.
“Simula pa lang, sabi ko sa kanila na yung IPPC, kahit all-star sila, walang training yan e. Kailangan namin sila sabayan sa paluan,” pahayag ni Adamson coach Orlando Binarao. “Yun ang nangyari nung last two innings, yung pitchers nila bumigay kaya kami nakahabol.”
Ngunit, pagdating ng 9th inning, nagtala ang Falcons ng dalawang RBI double sa pamamagitan ni outfielder Christian Maigue at Lexter Carandang na nasundan pa ng isang run dahil sa fielding error upang ilapit ang iskor sa 6-9.
Dito na ipinasok ng Nationals si Vladi Eguia upang bumato ngunit bigo rin itong maawat ang Falcons na tuluyang nakatabla matapos ang isang base hit ni Kenneth Villafana na sya ring naghatid kay Bryan Castillo para sa go-ahead run.
-Marivic Awitan