Nangako si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. na magsasagawa ng “autopsy” sa mga nasa likod sa sinasabing data breach sa passport system, partikular sa “yellows” na responsable umano sa umiiral na kontrata sa paggawa ng E-passport.

Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin

Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin

Sa serye ng galit na galit na tweets nitong weekend, iminungkahi ni Locsin na imbestigahan ng Senado ang insidente upang matukoy ang mga nasa likod ng krimen, at nang maisampa ng Department of Justice (DoJ) ang mga kinauukulang kaso.

“I will autopsy the yellows who did the passports deal alive. This is called evisceration,” sabi ni Locsin, tinukoy ang mga taong may kaugnayan sa dating administrasyong Aquino.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ang reaksiyon ni Locsin ay kasunod ng mga ulat na tinangay umano ng dating pribadong contractor na Oberthur ang lahat ng passport data nang biglang itinigil ang kontrata nito upang bigyang-daan ang APO Printing Unit, na nasa ilalim ng Presidential Communications Office.

Ang Oberthur ay isang kumpanyang French na kinuha ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sa pamamagitan ng bidding, upang mag-supply ng lahat ng kakailanganing materyales sa paglalabas ng mga machine-readable electronic passport (MREP).

Ang BSP ang opisyal na nag-imprenta ng mga pasaporte simula 2006 hanggang 2015. Tatlong taon nang napawalang-bisa ang kasunduan nito sa DFA kaya napunta sa APO ang trabaho.

‘NO POWER ON EARTH’

Ayon kay Locsin, ang data breach ay nagsimula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at “got worse” sa panahon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

“It will be solved by PRRD’s (Pres. Rodrigo Duterte) DFA under Locsin. The yellow crowd who perpetrated the passport fraud are in panic because we are gonna autopsy their crooked deal. Period,” sabi ni Locsin.

Dagdag pa ng kalihim, “no power on earth” ang maaaring makapigil sa kanya sa pagbubulgar ng katotohanan sa likod ng passport data breach.

“I just want it fixed and not repeated,” ani Locsin. “Don’t pray. Prey on the guilty in 2 administrations I will f*** them dry. Notice the yellow panic? A Yellow woman was part of it.”

PAPANAGUTIN ANG MAY SALA

Kaugnay nito, iginiit ni Vice President Leni Robredo na masampahan ng kaso ang dating outsourced passport maker ng DFA dahil sa nangyari.

“Kasi hindi bahagi ng pag-aari niya ‘yon,” sinabi ni Robredo ngayong Linggo sa kanyang programa sa radyo na “BISErbisyong Leni”.

Sinegundahan ni Robredo ang naunang pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat na kasuhan ang kumpanya kung hindi nito ibabalik ang mga kinuhang passport data.

“It turned out that the contractor tasked to make our passports was taking the entire data system. This means it has access to all of our data,” sabi ni Robredo.

Hindi naman nahingan ng komento ang Bise Presidente sa huling tweet ni Locsin na naninisi sa “yellows” sa insidente.

NATAON NA MAG-EELEKSIYON

Nanawagan naman sa DFA si dating Solicitor General Florin Hilbay na akuin ang responsibilidad sa paglalagay sa alanganin sa privacy ng milyun-milyong Pilipino, at gawin ang lahat upang mapanagot ang may sala.

“Hindi natin dapat hayaang makalusot ang nasa likod nito dahil seguridad ng ating mga kababayan ang nakataya rito,” ani Hilbay. “This incident adds another layer of danger to the public and the national interest as it happened on a crucial election year.”

Roy C. Mabasa at Raymund F. Antonio