KILALA ang Isla ng Boracay sa Aklan sa pinung-pinong puting buhangin, malinaw na tubig, at night life o party. Ngunit, unti-unting nadungisan ang paraiso sa kawalan ng disiplina ng ilang residente at bumibisitang turista. Dumating sa punto na tinawag na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na “cesspool” o tapunan ng basura.
Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pansamantalang pagsasara sa isla. Sa loob ng anim na buwang rehabilitasyon, simula Abril 26 hanggang Oktubre 26, marami na ang nagbago. Ipinatigil ang operasyon ng mga abusadong hotel, ipinagbawal ang ilang aktibidad, gaya ng fire dancing, sand castle, at malalakas na tugtugan o night life.
Kaliwa’t kanan na rin ngayon ang mga tapunan ng basura sa isla—’di lang basta basurahan, dahil ito ay nahahati sa nabubulok at ‘di nabubulok, kaya walang ligtas ang mga pasaway.
Kapansin-pansin din ang nagkalat na pul is sa pal igid ng isla kaya nasisiguro ang mas ligtas na bakasyon. Sa muling pagbubukas ng isla, sabik ang mga turista, karamihan ay dayuhan, na makapasyal at personal na makita ang ganda ng bagong Boracay.
Hindi makukumpleto ang pagbisita sa Boracay kung hindi susubukan ang mga aktibidad, ito man ay air, land o water.
Maraming mapagpipilian, gaya ng snorkeling, parasailing, banana boat, helmet diving, scuba diving, zipline, volleyball, at iba pa.
Bukod diyan, sa halagang P100-P250, depende sa style, matutuwa ka rin sa hair braiding o pagpapatirintas ng buhok na trade mark ng isla. Astig, ‘di ba?! Nakahilera rin ang masasarap na kainan kung saan matitikman ang mga sariwang isda at iba pang lamang-dagat. Hindi rin mawawala ang mga bilihan ng pasalubong, na pasok na pasok sa budget! Pagkatapos sumabak sa mga activities at kumain, perfect magpamasahe at magpahilot sa isla. Nag-aalok din sila ng room service, saan ka pa?! Hindi pa man tuluyang natatapos ang rehabilitasyon, bumalik na ang ganda ng paraiso. Pahuhuli ka ba? Tara na sa Boracay!
-ELLAINE DOROTHY S. CAL