Napatay ng mga awtoridad ang isang drug suspect, na itinuturing na Top 8 Priority Target ng Antipolo City Police, nang manlaban sa buy-bust operation sa Barangay San Jose, Antipolo City, iniulat kahapon.

Kinilala ang suspek na si Marcus Santos, alyas Makoy, nasa hustong gulang, ng Sitio Hinapao, Daang Pari, Bgy. San Jose, Antipolo City.

Sa naantalang ulat ng Antipolo City Police, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit at Rizal Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa suspek sa bahay nito nitong Disyembre 20, dakong 6:45 ng gabi.

Gayunman, nakahalata umano ang suspek na mga pulis ang kanyang katransaksiyon kaya nagpaputok ng baril saka tinangkang tumakas, ngunit napatay nang mabaril ng mga pulis.

National

Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'

Ayon sa mga awtoridad, si Santos, na may nakabimbin na mga warrant of arrest, ay isang notoryosong drug pusher at sangkot din sa mga insidente ng robbery at carnapping sa lungsod.

Nakumpiska sa suspek ang isang baril, isang pakete ng hinihinalang shabu, at P500 buy-bust money.

-Mary Ann Santiago