Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) si Pangulong Duterte sa bagong kontrobersiyang kinahaharap nito hinggil sa naging pahayag nito sa umano’y paggamit ng marijuana upang manatiling aktibo sa mga dinadaluhang international conference.

Nagbigay si PNP Spokesperson, Chief Supt. Benigno Durana Jr., ng maikling paliwanag nang tanungin ng media sa implikasyon ng naging pahayag ni Pangulo sa kampanya ng pulisya kontra ilegal na droga.

“I hope you’ve already seen it in other media outlets. The President said afterwards it was a joke,” ani Durana.

Ibinahagi pa ni Durana ang video clip ng panayam ng mga Malacañang reporters sa Pangulo nang linawin nito ang naging kontrobersiyal na pahayag.Ilang beses nang napagitna sa kontrobersiya ang PNP sa pagpapatupad ng drug war, sa utos ng Pangulo, at simula Hulyo 1, 2016 hanggang Oktubre 31, 2018 ay 4,999 drug suspects na ang napatay sa mga operasyon, habang 161,584 ang naaresto.

Politics

Caloocan Rep. Egay Erice, naghahanap ng 'PNoy-like President' sa 2028!

Sa ASEAN National Organizing Council awarding ceremony sa Malacañang nitong Lunes, sinabi ni Duterte na gumagamit siya ng marijuana upang “magising” sa pagdalo sa ASEAN Summit sa Singapore kamakailan, dahil sa kanyang edad.

“It’s a killing activity and I think my age, ako hindi masyado…kasi nagma-marijuana ako para magising. Sa iba, hindi na kaya,” sinabi ni Duterte sa nasabing event.

Gayunman, agad nilinaw ng Pangulo sa isang panayam na “plastic” marijuana lang ang kanyang ginamit at nagbibiro lang siya.

“I wanted to shake the tree in the middle of a boring [speech]. Alam mo naman ako patawa talaga, kasi boring kapag walang ano, eh,” paliwanag ni Duterte sa video na ipinost ng isang online news outlet.

Kaugnay nito, nagbigay ng tip si Presidential Spokesman Salvador Panelo kung paano malalaman kung nagbibiro, nagpapatawa, o seryoso si Pangulong Duterte sa mga sinasabi nito.

“One, we use our common sense. Number two, makikita mong nagbibiro siya ‘pag tumatawa iyong taong nasa harap niya. Kasi ang joke ay ginagawa ‘yan para tumawa tayo ‘di ba, ngayon kapag hindi ka tumawa, meron kang sinabi na sa tingin mo joke, eh, ibig sabihin offended ang mga nakikinig sa ‘yo,” paliwanag ni Panelo.

“Like ‘yong marijuana, alam natin hindi naman stimulant iyon sa paggising. O the fact alone na hindi stimulant ‘yon, ‘di walang logic sa sinasabi niya na iniinom niya ‘yon para siya magising, kaya nagtawanan ang mga tao,” dagdag pa ni Panelo.

”Like noong ‘di ba sabi niyang… iyong mga tungkol sa mga santo na lasenggo, tawanan kasi hindi naman totoo iyon, kaya nga nagtatawanan. He crack jokes ‘no, to make people laugh, to lighten a situation,” ani Panelo.

“Eh ang problema kasi ‘yong iba eh naghahanap na lang ng matapon ng… kahit na anong complaint o banat kay Presidente, eh. Sabi niya nga eh, ‘nobody can stop me from my style’. Iyon ang style niya, doon nga siya nanalo eh, sa ganoong style,” dagdag pa ni Panelo.

-Martin A. Sadongdong at Beth Camia