Tuluy-tuloy na bumababa ang presyo ng produktong petrolyo sa nakalipas na dalawang buwan, at ngayong weekend ay muling magpapatupad ng panibagong P2 rollback sa kada litro ng diesel, gasoline, at P1.50 naman ang tatapyasin sa kerosene.

Inihayag ng mga pangunahing kumpanya ng langis sa bansa na magsisimula ang rollback pagpasok ng weekend hanggang sa Martes, Disyembre 4.

Ang muling malaking bawas-presyo ay dulot pa rin ng pagbaba ng pandaigdigang presyo ng gasolina sa world market.

Kaugnay ng sunud-sunod na pagbaba sa presyo ng gasolina sa nakalipas na walong linggo, naghain na ng rekomendasyon ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa pamahalaan hinggil sa pagbawi sa suspensiyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kapag nagkataon, maaasahan ang pagtaas ng excise tax sa produktong diesel sa P4.50 kada litro sa Enero 2019, mula sa P2.50/litro sa kasalukuyan, habang aakyat din sa P9.00/ litro ang buwis sa gasolina mula sa kasalukuyang P7.

Kaugnay nito, inirekomenda ng economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang pagtataas ng excise sa 2019.

“He is studying the recommendation,” saad sa text message kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo. “We advise the public to wait for the President’s decision in this regard. The President’s decision will, as always, be based on national interest and benefit to the people.”

-MYRNA M. VELASCO, ulat ni Genalyn D. Kabiling