Mariing pinabulaanan ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) ang alegasyon na “overpriced” ang rehabilitation at maintenance project ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3.

Nauna rito, isang kolumnista ang nagbunyag na halos dumoble ang halaga ng rehabilitasyon ng MRT, na mula umano sa P7.5 bilyon na alok ng Sumitomo Corp. noong 2016, ay naging halos P18 bilyon na ito, kahit na ang Sumitomo pa rin naman ang magsasagawa ng proyekto.

Sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na walang katotohanan ang nasabing alegasyon, dahil wala namang iniaalok na nasabing halaga ang Sumitomo sa Metro Rail Transit Corporation (MRTC).

Ayon kay Batan, mismong ang Sumitomo, sa isang pahayag, ang nagsabi na wala itong price quote na ibinibigay sa MRTC para sa rehabilitasyon at maintenance ng MRT sa nakalipas na limang taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Sumitomo has not, formally or even informally, given a price quote to MRTC for the rehabilitation and for maintenance of the MRT-3 anytime in the last 5 years. And our proposal will be based on a very recent system audit on the current MRT 3 system,” saad umano sa pahayag ng Sumitomo.

Sinabi rin ni Batan na walang kakayahan ang MRTC na i-rehabilitate ang MRT, dahil nangongolekta lang ito ng renta mula sa DOTr, na hindi naman talaga railway operator o railway developer.

Nauna rito, lumagda ng loan agreement ang DOTr at Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa rehabilitasyon ng MRT, na inaasahang magmimistulang bagong muli matapos ang 26 na buwang rehabilitasyon.

-Mary Ann Santiago