Laro Ngayon
(Ynares Sports Center)
7:00 n.g, -- Ginebra vs Magnolia
TARGET ng Magnolia na tapsuin ang serye, ngunit may pag-asang pinanghahawakan ang Barangay Ginebra sa pagpalo ng Game 4 ng kailang best-of-five semifinal series ngayon sa 2018 PBA Governors Cup sa Ynares Sports Center.
Magsisimula ang ika-4 na sunod nilang tapatan ngayong 7:00 ng gabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Naitakda ang nasabing laro matapos biguin ng Kings ang tangkang series sweep ng Hotshots nitong Miyerkules sa pamamagitan ng 107-103 panalo bunsod ng dominanteng opensa ni import Justin Brownlee na nagtala ng kanyang bagong career-high 46-puntos, 19 rebounds, 5 assists at 3 blocks.
Bagamat masaya dahil nanatiling buhay ang kanilang pag-asa, nagpaalala naman si coach Tim Cone na may misyon pang kailangang tapusin ang Ginebra.
“We’re happy to be alive and kicking. But that’s not what we’re here for. We’re here to win the series,” wika ni Cone pagkaraan ng panalo.
“I just hope our guys understand that. We gotta keep moving forward.”
Bigo man sa tangkang mawalis ang serye, di naman lubusang magpapakakunod ang Hotshots sa kanilang panglulumo at sa halip ay magpo-focus sa panibagong tsansa.
“Yung approach namin going into next game, hindi naman magbabago yun eh. Ano lang kami, keep moving forward lang kami, hindi kami paatras dito,” pahayag ni Hotshots ace guard Paul Lee na inako ang sisi sa nangyaring kabiguan nila nitong Game Three.
Dahil dito, inaasahang mas magiging mainit pang lalo ang pang-4 na sunod na edisyon ng Manila Classico sa ginaganap na Governors Cup semis na gaganapin sa gabing ito sa Antipolo.
-Marivic Awitan