Pagkakalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pabuya ang sinumang pulis na makakapatay sa kanilang mga superior na sangkot sa ilegal na droga, partikular ang mga tinaguriang “ninja cops”.
Ito ang ipinangako ni Duterte sa kanyang pagsasalita sa lecture sa kanyang Gabinete tungkol sa ilegal na droga, sa Malacañang, nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Duterte, bibigyan niya ng P3-milyon reward at trip to Hong Kong, na maaaring i-convert sa cash, ang sinumang pulis na makakapatay sa kanilang superior na ninja cop.
Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na gagantimpalaan niya ang pulis na nakapatay sa police superintendent, na sinasabing drug protector sa Dipolog City, si Senior Supt. Santiago Ylanan Rapiz, ang pinakamataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na napatay sa operasyon kontra droga.
“That’s right. I’m going to reward that policeman, any policeman who will kill his superior because the superior is into drugs. I will give you a prize and a trip to Hong Kong,” ani Duterte.
-BETH CAMIA at FER TABOY