PINAGSAMA-SAMA uli ng T-Rex Entertainment sa Class of 2018 ang dating members ng Goin’ Bulilit na sina Nash Aguas, Sharlene San Pedro, Kristel Fulgar, CJ Navato, at Kiray Celis. Kaya masaya ang interview ng press sa kanila sa grand media launch ng action-thriller movie na idinirihe ni Bebs Gohetia.
Of course, pasimuno sa katatawanan sa pagbabalik-tanaw sa kanilang glory days si Kiray.
Aminin man o hindi ng mga kasabayan, nauna nang nakagawa ng sariling identity si Kiray sa showbiz.
“Yes, reunion (namin ito), very happy,” kuwento ng bulinggit na maituturing nang beterana sa showbiz dahil napakabata pa nang magsimula.
“Noong hindi pa kami nagsisimula, very excited kaming lahat. Working with them, actually, hindi mo siya matatawag na working with them, it’s playing with them, parang laro na may kasamang trabaho. Gano’n kami, more on laro kaysa trabaho talaga.”Ngayon lang uli sila nagkasama-sama sa set pero parang wala pa ring nagbabago sa working relationship nila.“Actually sa original cast kasi ng ‘Goin’ Bulilit’, hindi mo kailangan ng space. Hindi mo kailangan ng adjustment. ‘Pag nagkita-kita kami, gano’n, tapos na agad ang laban. Riot na sa saya.”Pero may pagbabago na sa mga topic nila kapag nag-uusap-usap, hindi na puro laro, may mga kasama na kasi silang may love life na.
“(Pero) hindi naman na bago sa amin ‘yon. Normal ‘yon. Siyempre, tingin ko pa rin kina Nash at kay Sharlene sobrang baby, eh. Sila ‘yong pinakabata sa amin noon sa buong Goin’ so parang, alam mo ‘yon, ano ‘to, harot? Pero hindi kasi tumatanda tayo, eh,” kuwento pa ni Kiray.
Teen action-comedy-thriller ang Class of 2018 na mapapanood na sa mga sinehan sa Nobyembre 7.
Nagkaroon ng field trip ang magkakaklase at nakasagap ng misteryosong virus at ikinulong sila ng mga sundalo sa isang abandonadong facility.
May usap-usapan na si Kiray ang gumaganap na killer pero hindi niya ito kinumpirma sa presscon.Knowing Kiray, siguradong riot na naman sa hiyawan ang mga manonood.
Kasama rin nila sa cast ng Class of 2018 sina Adrian Alandy, Shaira Dizon, Yayo Aguila, Dido dela Paz, Alex Medina, Sherry Lara, Michelle Vito, Ethan Salvador, Jomari Angeles, Kelvin Miranda, Nikki Gonzales, Lara Fortuna, Aga Arceo, Hanna Francisco, Justin de Guzman, Dylan Ray Talon, Micah Jackson, Jude Matthew Servilla, John Vic de Guzman, Yvette Sanchez, Jerom Canlas, at Noubikko Ray.
-DINDO M. BALARES