Ang pagiging pangulo ba ang pinakamahirap na trabaho sa bansa?
Para kay Pangulong Duterte, higit sa 24 oras kada araw dapat na magtrabaho ang tagapamuno ng bansa.
Ipinahayag ng Pangulo, sa pagdalo sa Masskara festival sa Bacolod nitong Sabado, na kailangan niya ng “25 oras” upang pamunuan ang bansa at magkaroon ng resulta.
“You know you elected me as a worker of the national government and you expect me to really produce and work hard at it. There must be results and I’m trying really to do everything I can possibly humanly,” pahayag ni Duterte.
“Minsan nauubos na ako ng panahon. I think that I need about not 24 but 25 hours everyday. Talagang sumagad. Pumayat ako, tumaba, tapos sabi nila nagkasakit daw ako,” aniya.
Inamin ng 73-anyos na Pangulo na nagtatrabaho siya sa loob ng mahabang oras sa kabila ng maliit sa suweldo. Sinabi niya na kumikita siya ng nasa P207,000 kada buwan bilang pangulo ng bansa habang ang iba ay tumatanggap ng milyon. ‘Di tulad ng iba pang government officials, sinabi rin niya na wala siyang ibang allowance.
Kamakailan ay naramdaman ni Duterte na kulang ang kanyang suweldo para sa kanyang pagpapatakbo sa bansa. Sinabi niya dapat ay nasa milyon ang kanyang suweldo kada buwan dahil mayroon siyang dalawang pamilya.
-Genalyn D. Kabiling