DALAWANG taon na ang nakalipas nang huling mapanood sa pelikula si Andi Eigenmann, ang Camp Sawi ng Viva Films noong 2016, na idinirehe ni Irene Villamor.
Ayon sa aktres, noong nakaraang taon siya muling pumirma ng management contract sa Viva Artist Agency para sa limang taon, at ang All Souls Night ang unang pelikula niya para sa nasabing kontrata.
Sa Siargao nakatira ngayon si Andi at lumuluwas lang siya ng Maynila kapag may shooting o teleseryeng gagawin. Kapag wala naman ay nandoon lang daw siya sa probinsiya.
Sa solong panayam namin kay Andi pagkatapos ng media launch ng All Souls Night, nagulat kami sa mga kuwento niya sa buhay na ang layu-layo na kumpara noong huli namin siyang makapanayam sa thanksgiving presscon ng seryeng The Greatest Love nitong first quarter ng 2018. Noon kasi ay ang dami niyang hugot, at kasama pa niya noon ang dating boyfriend na si Emilio Arambulo.
Ang laki na ng ipinagbago ngayon ni Andi, at ang ganda ng ngiti niya nang binanggit namin ito sa kanya.
“Hindi ko napansin, pero sabi nga rin nila. Siguro finally I’m comfortable enough na makita kung sino ako. Dati kasi, hindi ko napapakita kung sino ako, kasi hindi ko rin alam kung sino ako rati,” natawang sagot ng aktres.
Nakakagulo ba sa utak niya ang pagtira niya sa Metro Manila, dahil nga nasa isla na siya ngayon?“Oo, nakakabaliw. Ha, ha, ha! Siguro timing din kasi paglipat ko sa probinsiya tumanda na rin ako, I’m already 28 (years old),”tumawa uling sabi.
Bakit sa Siargao niya napiling manatili?“Actually sa Baler po ako lumipat, bumili ako ng property ko sa Baler, lupa na planong patayuan ng bahay. Thinking na I want to be based away in the city. But in Siargao, I get to build business that will provide for my living, so mas better ‘yun.
“It’s a Bed and Breakfast. Nagsisimula pa lang ako, sana next summer boom na boom na, and matagal ko nang naisip ‘yun and possible na gawin sa Siargao. Eh ‘di doon na rin ako titira, since doon din naman ako magnenegosyo. Doon din ‘yung boyfriend ko nakatira so mas perfect, isa na lang, isang lugar na lang,” paliwanag ni Andi.
Professional surfer ang bagong boyfriend ngayon ni Andi, si Philmar Alipayo.
“’Yung dati (Emilio) po, surfer din, nagsu-surf kami for fun. Pero itong boyfriend ko now, professional talaga.”
Nakilala raw ni Andi si Philmar noong nakaraang taon pa, at sila pa noon ni Emilio. Pero nang magkahiwalay na sila ng huli ay nagkadebelopan sila ni Philmar.
Hindi pa raw niya alam kung ibebenta na niya ang nabili niyang lupa sa Baler, depende raw sa magiging sitwasyon niya sa Siargao, dahil inuumpisahan pa lang ang negosyo niyang Bed and Breakfast.
At ‘yung condo naman niya rito sa Manila ang tinitirhan nila ng anak na si Ellie kapag nandito sila sa Manila.
“’Yung condo ko po rito, condo pa ‘yun nu’ng artistang-artista pa ako, ang laki-laki niya, ang hirap niyang linisan. Ayaw kong i-let go kasi pinaghirapan ko, first investment. Kaya pagbalik ko, kailangan kong maglinis nang maglinis. Kaya ang dami ko ring things na ni-let go; mga hindi ko na kailangan, kasi nagko-collect lang ng dust at mabubulok, sayang. Ibigay ko na lang sa mga nangangailangan.
“Kapag may pasok si Ellie, nandito po ako sa Manila.”
Kumusta na ang relasyon nila ni Jake Ejercito, na ama ni Ellie?“I can say na okay naman po kami now, not like before. Nakakahiya, hindi nakaka-class. Ha, ha, ha! Kasi bata pa ako noon, bata pa kami. ‘Yun nga, eh, parang ang daming nagsabing I’m a bad person. Ako rin naman napalabas kong masama rin siyang tao, but then as I grow older, I realized those things that I should have kept to myself and we should have kept to our relationship now that I’m older. Those things didn’t really mean that we are bad people, it just means that, we did things to hurt each other.”
Tinanong din namin ang nabalitang nagkaroon sila ng amicable settlement ni Jake para manatili sa kanya ang anak nila since lagi naman siyang nasa probinsiya.
“Not true at all. Akala ko dati, balak nilang kunin ‘yung anak ko, ganyan. Like what I said, I was young and vulnerable and really hurt and naïve. But then as an adult I know, they are really good people as well,” pagkaklaro ni Andi.
Bakit nag-file pa si Jake sa piskalya?“Nagsimula lang po ‘yun sa mga hindi pagkakasundo noon, hindi na po ganun ngayon.”
Diretsong tanong namin sa aktres: “Andi, first love never dies?”
Natawa ang aktres. “That’s not true! I disagree, ha, ha, ha! First love does die because people change and people grow and I guess for other people it won’t die because they won’t let it go. But for me, it’s just natural it would die because I don’t know who I was, I don’t remember the person I was back then, so how will I remember the feelings that I had? I’m completely a different person now than I was.
“I love my daughter and I love and grateful that he’s (Jake) the father of my child. But things happened, I guess that were not meant to be together but were meant to be parents to a wonderful young lady. Were both blessed that we get to share. Kaya ayaw kong ipagdamot siya (Ellie) kay Jake,” magandang katwiran ng aktres.
Aminado rin si Andi na kamukha ni Ellie si Jake. “Sobra!” aniya.
Natanong din namin si Albie Casiño kay Andi pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag. Ayaw na raw niyang pag-usapan pa ang nakaraan nila.
“Like what I said, I just don’t remember who I was back then,” aniya, saka dinugtungan, “I’m proud of him (dahil maraming projects).”
Mapapanood na ang All Souls Night sa Oktubre 31, mula sa Aliud Entertainment at Viva Films, sa direksiyon nina Aloy Adlawan at Jules Katanyag.
-REGGEE BONOAN