Hindi gaanong maaapektuhan ng mataas na inflation rate ang presyo ng Noche Buena items, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, nasa 3-8% lang ang magiging epekto ng inflation sa presyo ng nasabing mga produkto.

Katumbas lang, aniya, ito ng 20 sentimos hanggang pisong taas-presyo.

Hindi rin, aniya, lahat ng produkto ay magtataas ng presyo.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Binigyang-diin ng opisyal na hindi lahat ng produkto ay ginawa sa panahong tumataas ang inflation.

Matatandaang naabot na ang peak ng inflation sa bansa matapos itong pumalo sa nine-year high na 6.7% nitong Setyembre.

Inaasahang maglalabas ng bagong suggested retail price (SRP) ang DTI sa Nobyembre 15.

Kaugnay nito, kumpiyansa naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na babalik na sa normal ang inflation rate ng bansa pagpasok ng 2019.

Babalik sa nilalayong antas ang inflation sa 2019, at mananatili sa mahigit 3.0% plus 1.0 percentage point target, ayon sa BSP.

-Beth Camia