ILIGAN CITY – Nadiskubre rito ng Task Force on Rice ang libu-libong sako ng bigas kasunod ng pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng National Food Authority (NFA) sa tatlong bodega sa Barangay Pala-o, nitong Martes.
Ang una at ikalawang bodega ay may mahigit 20,000 sako na naglalaman ng 25 at 50 kilong commercial rice na pag-aari ng isang Sonia Payan, na nakabase sa Cagayan de Oro.
Wala si Payan nang sumalakay ang awtoridad at tanging si Yang Jianzhu, isang Chinese na mula sa Fugian, China, ang naroon, ayon kay NBI District office chief Atty. Abdul Jamal D. Dimaporo.
"Wala, ang nakita lang natin iyong chinese man, siya ang humarap sa amin na siya raw ang may-ari. Pero nung tiningnan natin ang license, naka-license kay Sonia Payan."
Ayon kay Virgilio Guimbao, delivery driver, ang mga sako ng bigas ay dumating noong Biyernes ng nakaraang linggo mula sa Maynila at pinabulaanan na ito ay itinatago at sinabing ipinagbebenta at idini-deliver sa Pala-o market at sa iba pang bahagi ng Mindanao gaya sa Ipil Zamboanga Sibugay.
Isa pang bodega na naglalaman ng mahigit 30,000 sako ng hinihinalang smuggled rice ang nadiskubreng pag-aari ng isang Johnny Tan.
"Ito kasi suspected na may smuggled rice kasi iyong markings ng sako from Malaysia, tapos i-resack into local rice", pahayag ni Dimaporo.
Nadiskubre rin nila ang ilang pakete, mga sinulid para sa pagtali, at mga sako ng bigas.
Dipensa ni Johnny Tan, binili niya ang mga bigas mula sa kanyang mga ahente, ayon kay Dimaporo.
Sina Panya at Tan ay may lisensiya sa kani-kanilang rice retailer stores ngunit mahaharap sa parehong paglabag kasunod ng hindi deklaradong mga bodega.
Ayon kay National Food Authority Provincial director Sambitory Dimaporo, sa kanilang weekly inventory sa Iligan City at Lanao del Norte, ang mga bodegang ito ay hindi kabilang.
"So, its being hoarded, hidden" ani Dimaporo.
-BONITA L. ERMAC