Anim na katao ang malubhang nasugatan makaraan silang tumilapon mula sa Alladin at Minion’s ride sa Diyani Fiesta Park sa Iligan City, Lanao del Norte, nitong Sabado ng gabi.

Kabilang sa isinugod sa ospital ang mag-asawang Lemuel at Aila Dalaygon, at tatlo nilang anak na edad 8, 7, at 4, dahil sa tinamong mga sugat, pasa at bali sa katawan.

Sa pahayag ni Lemuel, nagpunta sila sa nasabing lugar upang malibang ang mga anak niya, ngunit kabaligtaran ang nangyari.

Anila, sumakay sila sa Alladin at Minion ride nang walang seatbelt, pero biglang bumilis ang takbo nito kasabay na rin ng pagkalas ng steel bar ng kanilang inuupuan hanggang sa magsitilapon silang mag-anak.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Hindi naman kinilala ang isa pang nasugatan, makaraang matamaan ng tumilapong pamilya, subalit nagtamo lang ng maliit na sugat at kaagad na pinalabas ng ospital.

Itinanggi naman ng may-ari ng nasabing amusement park ride, si Jeiralyn Rosales, ang alegasyon ng pamilya Dalaygon at sinabing overloading ang nagbunsod ng aksidente.

Giit ni Rosales, dumaan sa masusing pagrekisa ng Engineering Office ng lungsod ang kanilang park ride bago sila pinayagang makapag-operate.

-Bonita Ermac