Isa lang political persecution o harassment ang naging hakbang ng Malacañang sa ipinalabas nitong Proclamation No. 572 na nagpapawalang-bisa sa amnestiya na ipinagkaloob ng Aquino administration noong Enero 2010 kay Senator Antonio Trillanes IV.

Ito ang naging pahayag ni Trillanes sa pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang amnestiya, sa bisa ng nasabing proklamasyon na nagsasabing “void ab initio” ang amnestiyang ipinagkaloob ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa senador dahil hindi ito nakatupad sa mga requirements ng amnestiya, at hindi rin inamin ang pagkakasala sa mga inilunsad na kudeta.

Dahil dito, ipinag-utos ni Duterte sa Department of Justice (DoJ) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) “to pursue all criminal and administrative cases” laban kay Trillanes kaugnay ng Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula siege noong 2007.

Inatasan din ng Presidente ang Philippine National Police (PNP) at ang militar “to employ all lawful means to apprehend” Trillanes “so he could be recommitted to the detention facility where he had been incarcerated for him to stand trial for the crimes he is charged with.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Agosto 31 pa pinirmahan ni Duterte ang nasabing proklamasyon, pero binigyang-diin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kahapon lang napasakamay niya ang proklamasyon.

Nagsalita kahapon bago sinimulan ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y conflict of interest ni Solicitor General Jose Calida nang makakuha ng P150-milyong kontrata sa pamahalaan ang pag-aari nitong security company, iginiit ni Trillanes na hindi siya bibigyan ng amnestiya kung hindi siya nakatupad sa mga requirements.

Sinabi rin kahapon ni Trillanes na inamin na niya ang pagkakasangkot sa bigong pagpapabagsak sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Oakwood Mutiny noong Hulyo 2003, ang Marines stand-off noong Pebrero 2006, at ang Manila Peninsula siege noong Nobyembre 2007.

“Ito ay isang malaking kalokohan. Alam n’yo ‘di naman ako bibigyan ng amnesty kung ‘di ako nag-comply sa mga requirements. Sumumpa ako kay former Secretary of Defense Voltaire Gazmin at mapapatotohanan ‘yan ng mga DND (Department of National Defense) officials,” pahayag nito.

“So, absolutely complied lahat ‘yan. Yung mga kaso sa civilian courts na-dismiss siya. So ngayon, ano ngayon ang magiging basis ng pag-aresto?” ani Trillanes.

Ipinaliwanag din ni Trillanes na hakbangin ng Kongreso ang pagkakaloob ng amnestiya, at hindi ito maaaring ipawalang-bisa ng isang Executive Order.

“Hindi mo puwedeng bawiin ang amnesty. Ano ba ‘yun? I was already subjected to that nung nag-try ako tapos na-dismiss. Ano ngayon, uulitin ‘yun? Ano ba ‘yan? Magpaturo nga sila sa mga law students,” anang senador.

Gayunman, tiniyak ni Trillanes na tatalima siya sa anumang magiging desisyon ng liderato ng Senado kaugnay ng nakatakdang pagpapaaresto sa kanya.

“I will abide by the wisdom of Senate leadership and my lawyers are exhausting legal remedies to void this stupid executive order.

“Hindi ako magtatago, definitely. Sa akin lang, my lawyers are existing all legal remedies. I will abide by the Senate leadership kung darating sa punto na kailangan pumunta, magwo-walk in ako mismo.

“I will not resist arrest, I will not escape so haharapin ko ito. Pero ang tanungin ni Mr. Duterte sa utak niya, ‘pag dumating ang panahon niya, haharapin ba niya?”

Taong 2010 nang makalaya sa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Trillanes matapos ang pitong taong pagkakapiit.

-HANNAH L. TORREGOZA at GENALYN D. KABILING, ulat ni Beth Camia