Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes na maaaring nakikinig ang United States sa kanyang telepono sa gitna ng mga alegasyon ng planong pagpatay sa kanya.

Batid na naka-tap ang kanyang mga linya ng komunikasyon, sinabi ng Pangulo na pinayuhan siya ng militar na gumamit ng lumang cellphone sa halip na modernong smartphone para makaiwas sa interception.

“You know, my cellphone is tapped and everybody’s listening,” sinabi ng Pangulo sa pagtitipon ng mga alkalde sa Visayas sa Cebu City nitong Martes ng gabi.

“Ang nakikinig sa akin is United States, sigurado ‘yan ang CIA (Central Intelligence Agency). ‘Yan ang papatay sa akin ‘yang mga ulol na ‘yan,” idinugtong niya.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Bukod sa US, tinukoy ng Pangulo ang iba pang mga bansa na maaaring palihim ring nakikinig sa mga tawag sa kanyang telepono.

“America, Russia, China, Israel maybe, and maybe Indonesia. Nakatutok ‘yan siya lahat sa mga leaders,” aniya.

Inamin ni Duterte na batid niya ang palihim na wiretapping ng communication lines dahil alam niya kung paano kumilos ang intelligence authorities. “I know kasi napunta ako diyan sa loob. I am the one funding the equipments there, Intelligence. Alam ko nakikinig ‘yan sila,” aniya.

Gayunman, pabiro niyang sinabi na ang tanging maririnig ng mga naniniktik sa kanyang telepono ang pakikipag-usap niya sa mga babae.

“Wala akong tinatawagan. I hate... Lalo na lalaki. I don’t talk to men. Babae lalo na pagtulog,” aniya.

Sinabi ng 73-anyos na si Duterte na iniwasan niyang gumamit ng bagong smartphones sa payo na rin ng kanyang security aides.

“‘Yun na nga ang sabi ng mga sundalo sa akin noon, “Sir, huwag ka mag-gamit niyan. Ito nalang pindot-pindot kasi ito mahirap i-intercept.” Lalo na ‘yang pinaka old model,” aniya.

Kaugnay nito sinabi ng Philippine National Police (PNP) na wala silang impormasyon kaugnay sa sinasabing assassination plot CIA laban kay Pangulong Duterte.

Sa kabila nito, sinabi ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde na kailangan ang matinding paghahanda sa lahat ng sandali ng close-in security ni Duterte.

“With regards to, probably specific [threat], ‘yung CIA, we really don’t have information as far as the PNP is concerned,” ani Albayalde sa panayam ng “The Source” ng CNN.

-GENALYN D. KABILING at MARTIN A. SADONGDONG