Si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang maaaring magdesisyon kung isasapubliko ang kanyang medical record.

Ito ang sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, at tiniyak sa publiko na nananatiling “physically and mentally fit” ang Pangulo para sa ilang taon pang termino nito.

“Depende naman sa ating Pangulo iyon, so I cannot speak in behalf of the President,” sinabi ni Go sa isang panayam sa radyo kahapon, nang matanong hinggil sa pagsasapubliko ng medical records ng Pangulo.

“Pero I assure you that he is in tip-top condition, ako mismo ay… witness naman po palagi sa mga ganap. Twenty years na po akong nasa kanya, sa tabi niya at alam kong… minsan nga mas maganda pa ‘yung resulta (ng medical exams) niya kaysa sa anak niya,” ani Go.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa isang Facebook live video nitong Lunes ng gabi, tinuldukan mismo ng Pangulo ang kumalat na balita mula kay Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison na comatose siya simula pa noong linggo.

Sa isang dinner meeting kasama si dating Climate Change Commission Vice Chairperson Frances Veronica Victorio, sinabi ng Pangulo na “alive” at “fairly healthy” siya.

“Okay pa naman ako. Sabi niya (Sison) comatose? How can you be comatose with a beautiful lady? Kung comatose ako makita ko si Bernice talagang babangon ako,” giit ng Pangulo.

Bilang tugon sa ibinalita ni Sison sinabi ni Duterte: “Ikaw ‘yung comatose, ikaw ‘yung may sakit.

“Alam mo ang totoo lang, nag-complain na rin ang Netherlands kasi labas-masok ka sa ospital, hindi ka naman daw nagbabayad. You’re not paying and you’re abusing the hospitality of the Netherlands,” giit ng Pangulo.

Muli namang inimbitahan ni Duterte si Sison na bumalik sa Pilipinas dahil may nakalaan namang espasyo para rito.

“If you think that you are sick, come home and I will bring you to the place—it’s called Bilibid,” ani Duterte.

“Joma, ang wish ko sa buhay, maski wala ka nang silbi sa mundong ito, mabubuhay ka pa rin ng mga 1,000 years para ikot nang ikot ka na lang dito sa mundo,” sabi ni Duterte.

-GENALYN D. KABILING at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS