House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (MB PHOTO/ ALVIN KASIBAN)
House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (MB PHOTO/ ALVIN KASIBAN)

Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at LEONEL M. ABASOLA

Naalarma ang Malacañang matapos magpasya ang House of Representatives na suspindihin ang 2019 national budget.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos magpasya ang Kamara na suspindihin ang deliberasyon nito sa panukalang P3.757-trilyon national budget para sa 2019 dahil sa pagkontra ng ilang mambabatas sa cash-based budget system na isinusulong Department of Budget and Management (DBM).

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Alarmed,” unang sinabi ni Roque sa press briefing kahapon.

“For the past two years, wala pong problema ang Palasyo sa budget. So kauna-unahang pagkakataon ‘to na ang House po na may super majority na supposedly administration ay sila pong humaharang ng budget,” aniya.

“Parang nabaliktad na po. Baka nga hindi na kinakailangan na magkaroon ng minority floor leader dahil mukhang minority na ang in power doon sa Kongreso,” dugtong niya.

“And I realize these are very harsh words, but these harsh words are intended to deliver the message that we are completely shocked at the resistance of the House because we were confident that when there was a change of leadership, we would still deal with very close allies,” patuloy niya.

SINONG TAKOT?

Sa kabila ng pagkontra ng Kamara, pinanindigan ng Palasyo ang cash-based budget system. Sinabi ni Roque na hindi natatakot ang Executive Branch sa reenacted budget para sa 2019.

Ang reenacted budget ay nangangahulugan na ang government expenditures para sa 2019 ay popondohan ng parehong halaga mula sa parehong alokasyon na inaprubahan para sa 2018.

“The ball is in the hands of our allies in Congress. But we’re not blinking. We’re not scared of a reenacted budget,” aniya.

Sinabi ni Roque na dapat mag-isip nang mabuti ang mga mambabatas tungkol sa reenacted budget dahil sila ang magdurusa sa 2019, na isang election year.

“The congressmen better ask themselves what will happen to their pet projects because under reenacted budget, it is Malacañang that would determine which budgets would be implemented. I don’t think they want that,” aniya.

Sinabi ni Roque na umaasa siya na sa dulo ay makikipagtulungan din ang Kamara sa Ehekutibo.

KADUDA-DUDA

Nababahala naman si Senador Francis Pangilinan na magiging ugat ng kurapsyon ang pagkakaroon ng re-enacted budget sa 2019.

“Ang pagkakaroon ng reenacted na budget ay ‘di katanggap-tanggap, lalo na’t taon ng eleksyon ang 2019. Kapag reenacted ang budget, may lubusang kapangyarihan ang Pangulo na ideklara ang capital outlay component bilang “savings,” kung saan bibigyang kapangyarihan nito na magamit ang budget sa anumang programa, aktibidad, at proyekto na naisin ng Pangulo,” paliwanag ni Pangilinan,

Aniya ito ang ginawa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na ngayon ay House Speaker.

Nagtataka si Pangilinan dahil nangyari ang hindi pagkakaunawaan ng Kamara at Ehekutibo sa ilalim ni Arroyo, kaya’t kaduda-duda rin daw ito.

“Huwag natin kalimutan ang maraming taon kung saan nag-operate tayong may reenacted budget sa ilalim ng Arroyo administration. Dito rin sa mga taong ito lumitaw ang ilang mga alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan,” paaala ni Pangilinan.