SINGAPORE – Dinuplika ni Filipino International Master (IM) elect Edgar Reggie Olay ang tagumpay sa Lion City nang talunin si Malaysian Lim Chin Lee para maghari sa Open division ng 30th National Rapid Chess Championships dito.
Naitala ng Davao City at Kidapawan City pride na si Olay ang walong puntos sa siyam na laro sa 15-minute increment time control format nitong Linggo sa Bukit Merah Community Club sa Jalan Bukit Merah, Singapore.
Inorganisa ang torneo ng Singapore Chess Federation kung saan ang tournament director ay si International Organizer (IO) Thomas Hoe habang si International Arbiter (IA) Nisban Jasmin ang nagsilbing Chief Arbiter.
Kabilang sa mga tinalo ni Olay ay sina Joel Yi Herng Ong ng Singapore sa first round, Candidate Master (CM) Lee Jun Wei ng Singapore sa second round, International Master (IM) Zhen Yu Cyrus Low ng Singapore sa third round, Kirill Surin ng Belarus sa fourth round, Fide Master (FM) Qing Aun Lee ng Singapore sa sixth round, Fide Master Fernandez Gervasio Calderon ng Argentina sa seventh round, International Master Enrique Paciencia ng Pilipinas sa eight round bago manaig kay Lim Chin Lee ng Malaysia sa final round.
Ang nag-iisang kabiguan ay nakamit niya sa kamay ng kababayang si Grandmaster (GM) Buenaventura “Bong” Villamayor sa fifth round.
Ito na ang ika-4 na titulo ni Olay sa Singapore matapos ding magkampeon sa National Blitz Chess Championships 2018 Open Division, Nanyang Racial Harmony Chess Team Challenge 2018 Open division at July edition ng Asean Chess Academy Rapid Open Chess Championships.